
Isa ka bang pet owner na nagdududa pa rin sa pagpapakapon ng alaga?
Sa katatapos lamang na World Spay Day (February 25), ngayon ang magandang pagkakataon para basagin ang maraming maling paniniwala na iniuugnay sa spaying at neutering ng mga alagang aso at pusa na nagdudulot lamang ng pangamba sa mga fur-parent.
Myth #1: “Delikado ang operasyon, baka mamatay ang alaga ko!”
Ang spay at neuter surgeries ay ligtas, lalo na kung ito ay isinasagawa ng isang licensed veterinarian. Ang komplikasyon ay bihirang mangyari at karaniwang may kinalaman sa pre-existing health conditions ng hayop, hindi sa mismong operasyon.
Bago ang procedure, nire-require ang blood test upang matiyak na malusog ang alaga.
“The risks are not related to the surgery itself, but to pre-existing conditions that your pet may have,” paglilinaw ng People for the Ethical Treatment of Animals-Asia.
Myth #2: “Dapat magkaanak muna bago ipa-spay o neuter.”
Walang siyentipikong basehan ang paniniwalang ito ayon sa PETA Asia.
Paliwanag ng mga eksperto, mas mainam ang spaying o neutering bago pa mag-first heat ang isang alagang hayop upang maiwasan ang reproductive-related diseases tulad ng pyometra (infection sa matris) at testicular cancer.
Myth #3: “Magiging mataba at tamad ang alaga ko pagkatapos ipa-kapon.”
May kaunting pagbabago sa metabolism ng alaga matapos ang spay/neuter, pero hindi ibig sabihin ay awtomatikong tataba sila. Ayon sa PETA Asia, ang timbang ng hayop ay higit na nakadepende sa tamang nutrisyon at ehersisyo.
Myth #4: “Mababago ang personalidad ng alaga ko.”
Ang spaying/neutering ay hindi nakaaapekto sa ugali ng isang hayop.
Sa katunayan, maaari pa nitong mabawasan ang ilang hindi kanais-nais na asal na nauugnay sa heat cycle, tulad ng pagmamarka ng teritoryo, sobrang agresyon, at pagtakas para makahanap ng mate.
Myth #5: “Wala namang epekto ang spaying/neutering sa stray population.”
Ang Trap-Neuter-Vaccinate-Return (TNVR) program ay ang tanging sustainable solution sa problema ng overpopulation ng stray animals. Sa pamamagitan nito, naiiwasan ang patuloy na pagdami ng mga ligaw na aso at pusa sa lansangan.
BENEPISYO NG SPAYING AT NEUTERING KAY BANTAY AT MUNING
Mas mahaba at mas malusog na buhay – Ang mga hayop na sumailalim sa spay/neuter procedure ay may mas mababang tsansa na magkaroon ng cancer sa reproductive organs.
Mas mabuting ugali – Ang mga hayop ay nagiging mas kalmado, hindi agresibo, at hindi madaling tumakas o gumala.
Mas kaunting stray animals – Sa pamamagitan ng responsible pet ownership at TNVR programs, nababawasan ang bilang ng mga asong gala at pusang kalye.
Walang unwanted pregnancies – Maiiwasan ang mga hindi planadong pagpaparami ng hayop na maaaring humantong sa pagka-abandona.
Ang pagpapakapon ay hindi lamang para sa pagkontrol ng populasyon ng hayop, ito rin ay isang responsableng desisyon na makatutulong sa kanilang kalusugan at ugali. Sa halip na maniwala sa mga maling paniniwala, mas mainam na mag-research at kumonsulta muna sa beterinaryo upang masigurong maayos at malusog ang ating mga alagang hayop.
Gusto mo na bang magpa-kapon ng alaga? May mga libreng spay /neuter programs sa Pilipinas tuwing Pebrero! Bumisita sa pinakamalapit na veterinary clinic para sa buong detalye.
– VC