
Isang pambihirang tagumpay sa larangan ng siyensya ang muling pagkatuklas ng Exacum loheri (H. Hara) Klack., isang uri ng halaman na huling naitala mahigit 130 taon na ang nakalipas.
Natagpuan ito ng mga scientist mula sa University of the Philippines (UP) Diliman at Philippine Normal University (PNU) sa loob ng Masungi Georeserve sa Rizal.
Ayon sa Philippine Journal of Science, ang E. loheri ay natuklasan habang isinasagawa ang isang pag-aaral tungkol sa mga suso (snails) sa “600 Steps” area ng Masungi sa karst forest ng Baras at Tanay. Kilala itong walang chlorophyll at nabubuhay sa tulong ng fungi, isang kakaibang katangian na bihirang makita sa mga halaman.
Sa ngayon, ang Masungi Georeserve ang tanging lugar sa bansa kung saan namumuhay ang nasabing uri, na itinuturing nang “extremely rare and probably threatened at present,”.
Binigyang-diin ni Billie Dumaliang, Director for Advocacy ng Masungi Georeserve Foundation, na ang pagkadiskubreng ito ay nagpapatunay sa natatanging yaman ng kalikasang matatagpuan sa loob ng Masungi.
“Every year, science reveals more rare and endemic life thriving here—proof that this landscape is irreplaceable,” aniya.
Sa muling paglitaw ng Exacum loheri, pinatutunayan ng Masungi Georeserve na ito ay higit pa sa isang likas na tanawin, isang buhay na patunay ng kahalagahan ng konserbasyon at siyentipikong pagtutulungan para sa kalikasan. –VC