IBCTV13
www.ibctv13.com

Mas malaking papremyo sa major lotto games, ipatutupad simula Peb. 1 – PCSO

Kristel Isidro
138
Views

[post_view_count]

LOTTO BET (RP1)

Mas exciting na ang pagtaya sa lotto ng milyun-milyong mga Pilipino dahil simula Pebrero 1, opisyal nang ipatutupad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mas mataas na minimum jackpot prizes sa lahat ng major lotto games nito.

Sa ilalim ng bagong prize structure, tumataginting na P10 milyon hanggang P75 milyon ang maaaring mapanalunan sa unang bola pa lamang.

Ayon sa PCSO, P10 milyon agad ang paunang papremyo sa Lotto 6/42 habang may minimum jackpot na P15 milyon ang Mega Lotto 6/45 draw.

Para naman sa mas malalaking palaro, magsisimula sa P25 million ang jackpot sa Super Lotto 6/49; P45 million Grand Lotto 6/55; habang tumataginting na P75 million ang posibleng maiuuwi sa bobolahing Ultra Lotto 6/58.

Kung walang mananalo sa mga draw sa isang araw, patuloy pang lalaki ang jackpot prize hanggang may maswerteng mananaya ang makakuha ng anim na winning combinations.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, ang pagtaas ng starting jackpots ay bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap para gawing mas kapana-panabik ang bawat taya ng mga Pilipino.

Bagama’t may kaakibat na katamtamang pagtaas sa presyo ng ticket, iginiit ng PCSO na ito ay hamon para sa ‘risk-to-reward’ ratio ng mga manlalaro.

Higit pa rito, ang inaasahang pagdami ng mga tataya dahil sa malalaking jackpot ay magreresulta sa mas malaking pondo na ilalaan para sa serbisyong panlipunan na direktang mapapakinabangan ng milyun-milyong Pilipino.

Sa huli, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na tumaya nang responsable, at bumase lamang ng mga resulta mula sa mga awtorisadong PCSO channel. – IP