Tila mababawasan na ang household collection ng mga nanay dahil nito lamang Setyembre 17, naghain ng Chapter 11 bankruptcy protection ang Florida, United States-based container at food-storage brand na Tupperware kasama ang iba pa nitong subsidiaries.
Sa isang press statement ni Tupperware brand CEO Laurie Ann Goldman, nahirapang bumawi ang kumpanya matapos ang nagdaang Covid-19 pandemic na sinabayan pa ng nagbabagong ‘shopping behaviors’ ng mga konsyumer gayundin ang pagdami ng kakumpetensya sa merkado.
“Over the last several years, the Company’s financial position has been severely impacted by the challenging macroeconomic environment. As a result, we explored numerous strategic options and determined this is the best path forward,” paliwanag ni Goldman.
Ayon pa sa brand CEO, hihingi rin ng court approval ang kumpanya para magpatuloy ang operasyon ng kumpanya kasabay ng bankruptcy process.
Layon ng inihaing bankruptcy protection na mabayaran ang mga empleyado, gayundin ang compensating vendors at suppliers.
“We plan to continue serving our valued customers with the high-quality products they love and trust throughout this process,” dagdag ni Goldman. – VC