IBCTV13
www.ibctv13.com

Pagbagal ng inflation nitong Hulyo, ikinatuwa ng Malacañang; Patuloy na nakatutok sa banta sa seguridad sa pagkain, enerhiya

Michael Peronce
57
Views

[post_view_count]

Malacañang welcomed the slower inflation rate for July which eased to 6.2%, down 0.2 percentage points from the 6.4% recorded in the previous month. (Photo courtesy to RTVM/Screengrab)

Magandang balita para sa Palasyo ang naitalang patuloy na pagbagal sa naitalang inflation nitong Hulyo, matapos maitala ang headline inflation sa 6.2% kumpara sa 6.4% na datos noong Hunyo.

Sa kabila nito, sinabi ng Malacañang na hindi magpapakampante at mananatiling nakatutok ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga hamon na patuloy na nagbabanta sa seguridad sa pagkain at enerhiya sa bansa.

“Magandang balita ang mga positibong pagbabagong ito, ngunit nananatili nakamonitor ang administrasyon dahil nandyan pa rin tensyon sa pulitika sa Gitnang Silangan, at ang epekto ng El Niño ay patuloy na nagbabanta sa presyo ng pagkain at enerhiya,” saad ng Palasyo.

Pangunanahing naging dahilan sa mas mababang inflation ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng non-food products, habang nananatili namang matatag ang food inflation.

Ayon sa Malacañang, “manageable” na ang gastusin sa transportasyon dahil humina ang pressure ng presyo ng krudo, at bumagal ang inflation sa diesel at gasolina dahil na rin sa pagbaba sa pandaigdigang presyo ng langis.

Gayunpaman, hindi aniya ito nangangahulugan ng pagluwag sa pagbabantay lalo na sa epekto ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.

Samantala, nananatili ang layunin ng pamahalaan na mapababa ang pang-araw-araw na gastusin ng mga mamamayan, mapatatag ang seguridad sa pagkain at enerhiya, pangalagaan ang purchasing power ng mga pamilya, at mapaunlad pa ang ekonomiya.

“Malawakan pa rin ang ating layunin: pababaan ang gastusin sa araw-araw, patibayin ang seguridad sa pagkain at enerhiya, protektahan ang kakayahang bumili ng mga pamilyang Pilipino, at panatilihin ang paglago ng ekonomiya na pakikinabangan ng bawat tahanan,” mensahe pa ng Palasyo. VC