IBCTV13
www.ibctv13.com

Paglalabas ng P20-B pondo, ipinag-utos ni PBBM para matiyak ang sapat na suplay ng langis sa bansa

Kristel Isidro
1696
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., Malampaya gas field in Palawan. (Photo courtesy of PCO, WESCOM)

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P20 bilyong pondo para sa Department of Energy (DOE) upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa bansa sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.

Aprubado na ng DBM ang nasabing pondo na inilabas sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) mula sa Malampaya Gas Fund sa ilalim ng Special Account in the General Fund (SAGF), na ilalaan sa pagpapatupad ng Emergency Energy Security Program.

Layunin nitong patatagin ang suplay ng produktong petrolyo, maiwasan ang kakulangan, at mapagaan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay DBM Secretary Rolando Toledo, mahalagang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng langis dahil direktang naapektuhan nito ang transportasyon, agrikultura, at iba pang mahahalagang sektor ng ekonomiya.

Ang P20 bilyong pondo ay gagamitin para sa strategic procurement ng mga produktong petrolyo tulad ng diesel, gasolina, at liquefied petroleum gas (LPG), upang mapalakas ang imbentaryo ng bansa at mapanatiling matatag ang presyo ng mga ito.

Ipapatupad ang programa ng Philippine National Oil Company–Exploration Corporation (PNOC-EC), na nagsimula na ng mga hakbang para sa agarang pagbili ng karagdagang suplay ng langis.

Giit ni Toledo, ang hakbang ay patunay nang maagap at makataong pamamahala ng gobyerno sa gitna ng mga krisis.

Tiniyak din ng DBM na ang paggamit ng Malampaya Gas Fund ay hindi makakaapekto sa iba pang prayoridad na programa ng pamahalaan, habang patuloy na hinaharap ang mga hamon sa sektor ng enerhiya.

Sa kabila ng mga pangamba sa pandaigdigang merkado, iginiit ng pamahalan na mananatili itong handa at maagap upang maprotektahan ang kabuhayan ng mamamayang Pilipino. – IP