Sa pambihirang pagkakataon, nasilayan sa hilagang bahagi ng Pilipinas ang pagpasok ng Asteroid RW1 (CAQTDL2) bandang 12:39 ng madaling araw ngayong Huwebes, Setyembre 5 (PST), na panandaliang nagdulot ng liwanag sa kalangitan bilang isang bulalakaw habang dumaraan sa atmospera ng mundo.
Sa kabila ng maulap at maulang panahon dala ng nagdaang Bagyong Enteng, maswerteng nasilayan sa ilang bahagi ng Northern Luzon ang makulay na ‘once in a lifetime fireball’ tulad sa Apayao, Isabela at Cagayan.
Ayon sa European Space Agency (ESA), may laki ang Asteroid RW1 na tatlong talampakan o hindi lalagpas ng isang metro.
Ito rin ang ika-siyam na beses na may nadiskubreng asteroid bago ang mismong pagpasok sa atmospera sa kasaysayan ng tao ayon kay research technologist Jacqueline Fazekas at sa Catalina Sky Survey na isang ‘funded observatory’ ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).
Nauna nang nilinaw ng International Meteor Organization (IMO) na walang masamang epekto ang naturang ‘astronomical event’ sa kalupaan at sa mga naninirahan sa Pilipinas.
Nito lamang Enero 2024, isang asteroid ang nadiskubre bago ang pagpasok nito sa Earth’s atmosphere na kalauna’y nasilayan ng mga mamamayan sa Berlin, Germany. -VC