Ang mayabong sana na ani ng mga magsasaka mula sa Lasam, Cagayan ay nasayang lamang matapos padapain ng bagyong Julian ang kanilang palayan.
Sa Facebook post ng uploader na si Mark James Galamay, idinaan na lamang niya sa isang tula ang pagdadalamhati sa iniwang pinsala ng bagyong Julian sa pananim na palay ng mga magsasaka sa kanyang lugar.
Kinilala niya ang kabayanihan ng mga magsasaka na aniya ay ‘bayaning tunay’ dahil sa kanilang paglilingkod para sa bayan.
“Mula sa unos hanggang sa tagtuyot, ang mga ito ay nagdudulot ng pangamba at takot sa bawat mamamayan. Subalit sa kabila ng mga trahedyang dulot ng panahon, makikita rin ang diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa ng komunidad sa pagharap sa anumang hamon na dala ng kalikasan,” bahagi ng tula ni Galamay para sa mga magsasaka.
Isa ang bayan ng Lasam sa mga isinailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 2 as of 11:00 a.m. ngayong Lunes, Setyembre 30.
Bukas ng hapon o Miyerkules inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Julian upang magtungo sa Taiwan. – VC