
Umangat sa ika-73 ang pwesto ng Philippine passport sa pinakabagong Henley Passport Index (HPI) para sa Enero 2026, dalawang antas na mas mataas kumpara sa pwesto noong nakaraang taon.
Ayon sa ulat ng HPI, may visa-free access ang mga Pilipino sa 64 na bansa sa buong mundo.
Bagama’t bahagyang bumaba ang bilang ng mga bansang maaaring pasukan nang walang visa, sinabi ng mga eksperto na ang performance ng Philippine passport ay pasok pa rin sa pandaigdigang average, lalo na sa gitna ng paghihigpit ng visa-on-arrival sa ilang bansa.
Ipinakita rin ng ulat na limitado pa rin ang global mobility ng mga Pilipino, dahil 28.63% lamang ng mga destinasyon sa mundo ang visa-free para sa mga may hawak ng Philippine passport.
Sa kabila nito, mataas ang ranggo ng Pilipinas sa “openness,” dahil sa pagiging bukas sa mahigit 81% ng mga nasyonalidad sa buong mundo.
Nangunguna naman ang Singapore bilang pinakamalakas na pasaporte sa mundo, kasunod ang Japan at South Korea na mayroong visa-free entry para sa 188 na bansa.
Ayon sa Henley & Partners, mahalaga ang pagpapalakas ng travel compliance, diplomasya sa visa waiver, at pag-unlad ng kabuhayan upang mapabuti pa ang ranggo ng Philippine passport sa hinaharap. – VC











