Nagkamit ng kabuuang walong karangalan ang Pilipinas sa katatapos lamang na Asia and Oceania edition ng 2024 World Travel Awards (WTA) na ginanap sa kauna-unahang pagkakataon sa bansa sa Parañaque City nitong Martes, Setyembre 3.
Hinirang ang Pilipinas bilang Asia’s Leading Beach Destination na ikapitong beses nang nakuha ng bansa at ang titulong Asia’s Leading Dive Destination na ikaanim na pagkakataon nang ibinigay dito.
Kinilala naman bilang pinakapaboritong pasyalan ng mga banyaga ang mga isla ng Pilipinas dahilan upang tanghalin ito bilang Asia’s Leading Island Destination.
Ilan pa sa mga parangal na nasungkit ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco ay ang mga sumusunod:
-Asia’s Leading Luxury Island Destination 2024 – Boracay
-Asia’s Leading Wedding Destination 2024 – Cebu
-Asia’s Leading Tourist Attraction 2024 – Intramuros
-Asia’s Leading Marketing Campaign 2024 – “Love the Philippines” Campaign
-Special Award for Transformational Leadership in Tourism – Christina Garcia-Frasco
Itinuturing bilang ‘Oscars’ sa larangan ng ‘travel industry’ ang World Travel Awards na naitatag noong 1993 upang bigyang-pagkilala at ipagdiwang ang kahusayan sa sektor ng “tourism, travel and hospitality industries.” -VC