
Tumaas sa ika-72 puwesto ang Pilipinas sa 2025 Henley Passport Index, isang ranggong mas mataas kumpara sa ika-73 noong nakaraang taon.
Batay sa ulat ng Henley & Partners, gamit ang datos mula sa International Air Transport Association (IATA), maaari nang makabiyahe ang mga Pilipino sa 65 bansa nang visa-free o may visa-on-arrival policy.
Kapansin-pansin din sa datos ang unti-unting pag-angat ng pwesto ng Philippine passport sa nakalipas na tatlong taon—mula ika-78 noong 2023, patungong ika-77 noong 2022, ngayon ay nasa ika-72—na indikasyon ng lumalawak na oportunidad sa paglalakbay para sa mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.
Samantala, nangunguna pa rin ang Singapore bilang pinakamalakas na pasaporte sa buong mundo, na may visa-free access sa 193 destinasyon, kasunod ang Japan at South Korea (190).
Ilan sa mga European countries gaya ng Germany, France, at Italy ay napabilang sa Top 5.
Nanatiling dominante ang mga bansang Asyano, habang bumaba naman ang United Kingdom sa ika-6 na pwesto at ang United States sa ika-10, na ayon sa ulat ay malapit nang tuluyang mawala sa Top 10. – VC