
Sa edad na 21, pormal nang ipinroklama si Jamila Ruma bilang alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan batay sa ulat ng Cagayan Provincial Information Office.
Si Ruma ang pinakabatang alkalde na nahalal sa buong bansa para sa National and Local Elections ngayong taon.
Pinili ni Ruma na ipagpatuloy ang laban ng kanyang ama na si Atty. Joel Ruma na muli sanang tatakbo bilang alkalde ng bayan bago ito masawi noong Abril 23, 2025 dahil sa pamamaril habang nasa isang campaign rally sa Barangay Illuru.
Sa katatapos lamang National and Local Elections 2025, nakakuha si Ruma ng 6,298 boto o 48.27% ng kabuuang electoral results sa Rizal, Cagayan, batay sa datos ng COMELEC Media Server noong 8:51 ng gabi ng Martes.
Lamang siya ng mahigit 2,000 boto laban sa pinakamalapit na katunggali na si Ralph Mamauag, na nakakuha ng 4,146 boto, habang si Florence Littaua ay may 170 boto.
Sa tala ay umabot na sa 29 mula sa 30 clustered precincts, o 96.67%, ang nakapag-ulat na ng kanilang electoral results.
Bukod sa pagiging isang bagong mukha sa lokal na pamahalaan, si Ruma ay nagtapos ng Bachelor of Arts in Development Studies sa De La Salle University Manila.
Isa consistent dean’s lister, at pinarangalan ng Best Thesis at Best Thesis Presenter sa kanyang pagtatapos.
Hindi na bago para kay Ruma ang politika dahil nanilbihan na ang kanyang mga magulang sa kanilang bayan bilang alkalde at bise alkalde ngunit hindi rin naging madali ang desisyon na ito para sa kanya na ituloy ang laban ng ama.
Sa kabila nito ay ipinaabot ni Mayor Ruma ang kanyang pasasalamat sa mga sumuporta sa kanyang kandidatura sa isang Facebook post.
Dagdag pa ng bagong alkalde, buong puso niyang dadalhin ang pangakong iniwan ng kanyang ama, ang panatilihing ligtas, maayos, at masaya ang kanilang bayan.
Makakasama niya sa panunungkulan ang kanyang inang si Atty. Brenda Ruma, na nanalo rin bilang Vice Mayor-elect ng Rizal matapos makakuha ng 6,448 boto. –AL