
Patuloy ang hakbang ng Ginebra San Miguel Incorporated (GSMI) sa pagbawas ng plastic waste sa pamamagitan ng pagtanggal ng plastic pourers sa lahat ng kanilang produkto.
Ayon sa GSMI, tuluyan na nilang aalisin ang plastic pourers mula sa buong product portfolio ngayong taon bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa kalikasan.
Sinimulan ang hakbang na ito noong Marso 2025 sa pamamagitan ng paglabas ng bagong packaging ng Primera Light Brandy (750 mL).
Nauna na itong tinanggal sa GSM Blue line, habang ang mga bagong produkto gaya ng GSM Premium Gin at Freedom Island Light Rum ay inilabas nang walang plastic pourers.
Simula 2021, sunud-sunod na ang inisyatibo ng GSMI sa eco-friendly packaging, mula sa paglipat ng plastic caps ng GSM Hari (1L) sa aluminum caps, pagpapatibay ng “Boteful Philippines” retrieval program, hanggang sa pagbabawas ng kapal ng Seal-O-Band ng Vino Kulafu.
Batay sa GSMI, nakabawas na sila ng humigit-kumulang 111.5 metric tons ng plastic noong 2024.
“At GSMI, we are seriously committed to creating a more environmentally responsible future,” pahayag ni GSMI OIC General Manager Cynthia Baroy.
Dagdag niya, magpapatuloy ang kanilang paghahanap ng solusyon para makalikha ng mas responsable at sustainable na packaging. – VC