
Opisyal nang naitala sa 112,729,484 ang kabuuang populasyon ng Pilipinas batay sa 2024 Census of Population (POPCEN) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula Hulyo hanggang Setyembre 2024.
Ginamit ang Hulyo 1, 2024 bilang reference date, at isinama sa bilang ang mga Pilipinong nasa embahada, konsulado, at may misyong diplomatiko sa ibang bansa.
Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang opisyal na resulta sa ilalim ng Proclamation Blg. 973, kung saan inatasan ang PSA at ang Presidential Communications Office (PCO) na ipalaganap ang datos sa mga ahensya ng gobyerno hanggang antas ng barangay.
Ayon sa PCO, ang populasyon noong 2024 ay tumaas ng 3.69 milyon mula sa 109.04 milyon noong 2020.
Gayunpaman, kapansin-pansin ang pagbaba ng annual population growth rate sa 0.80% mula 2020 hanggang 2024, mas mababa kumpara sa 1.63% noong 2015 hanggang 2020.
Paliwanag ng PSA, ang pagbagal ng paglago ng populasyon ay dulot ng pagbaba ng fertility at birth rates, mas mataas na mortality rate sa kasagsagan ng pandemya, at huminang migrasyon sa mga nakaraang taon.
Ang pagdaraos ng mid-decade census ay batay sa Executive Order No. 87, habang idineklara rin ang Hulyo 2024 bilang National Census and Community-Based Monitoring System Month sa ilalim ng Proclamation Blg. 627.
Ayon sa PCO, ang updated na datos ng populasyon ay magsisilbing mahalagang batayan ng pamahalaan sa paggawa ng mga polisiya, serbisyo, at programang mas epektibong makatutugon sa mga pangangailangan ng bawat Pilipino—mula lungsod hanggang malalayong barangay. –VC