IBCTV13
www.ibctv13.com

Presyo ng plane ticket, bababa sa buwan ng Oktubre

Alyssa Luciano
284
Views

[post_view_count]

(File Photo by Divine Paguntalan, IBC News)

Asahan na ang mas mababang singil sa plane tickets sa darating na buwan ng Oktubre dahil sa implementasyon ng mas mababang fuel surcharge sa mga eroplano.

Ito ay kasunod ng inilabas na Resolution No. 25 ng Civil Aeronautics Board kung saan mula Level 5 ay ibinaba na sa Level 4 ang fuel surcharge para sa mga pasahero at kargo sa mga domestic at international flight mula Oktubre 1-31.

Sa ilalim ng Level 4, magbabayad na lamang mula P117-P342 ang mga pasahero para sa fuel surcharge sa mga domestic flight, habang naglalaro naman mula P385.70-P2,867.82 para sa international flights.

Mas mababa ito kumpara sa presyo sa ilalim ng Level 5 kung saan ang mga pasahero ay kinakailangang magbayad ng fuel surcharge na P151-P542 para sa domestic flight at P498.03-P3,703.11 para sa international flights.

Ito na ang pinakamababang fuel surcharge na naitala sa bansa simula Agosto nakaraang taon.

Ang fuel surcharge ay karagdagang sinisingil ng mga paliparan, bukod pa sa base fare na binabayaran ng mga pasahero para sa kanilang slot sa eroplano, na ginagamit upang makabawi sa fuel costs. – VC