
Sa bawat lubak at sirang bahagi ng Maharlika Highway, hindi lamang biyahe ang naaantala.
Kasabay na naaapektuhan ang kabuhayan, nalalagay sa panganib ang kaligtasan, at nahahadlangan ang mabilis na paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa mga komunidad.

Para sa libu-libong Pilipinong araw-araw na dumaraan sa pangunahing daang ito, ang maayos na kalsada ay hindi lamang isang usapin ng kaginhawaan.
Isa itong pangangailangan upang mas mabilis na makarating sa trabaho, maihatid ang mga produkto sa pamilihan, makapasok sa paaralan, at makapagligtas ng buhay sa oras ng emergency.

Bilang pangunahing highway na nag-uugnay sa Luzon, Visayas, at Mindanao, napakahalagang papel ang ginagampanan ng Maharlika Highway sa paggalaw ng mga tao.
Sa rehabilitasyon ng naturang highway, layunin ng pamahalaan na mapahusay ang logistics operations ng mga magsasaka at negosyo, mapalawak ang access sa healthcare at edukasyon, at mapabilis ang paghahatid ng relief goods at pagtugon sa mga lugar na apektado ng kalamidad.

Matatandaan noong Hunyo ay personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Samar upang inspeksyunin ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Sa inspeksyon, ipinaliwanag ni Dizon ang tinatawag ng mga residente na “sungkaan,” na tumutukoy sa sira-sirang bahagi ng kalsada na matagal nang nagdudulot ng perwisyo sa komunidad.

Mismong ang mga residente na ang nagpaabot sa Pangulo ng kanilang mga naging karanasan sa paggamit ng highway.
Ayon kay Jessica Lucencio, noong siya ay buntis ay delikado ang kanilang naging biyahe patungo sa center ng bayan dahil sa malalalim na lubak sa kalsada.
“Kapag pumupunta po kami ng center, buntis po ako, tapos syempre yung mga lubak-lubak nga. Sumemplang po talaga [kami],” aniya.
Ibinahagi rin ni Renato Botones, isang ambulance driver, ang isang trahedyang tumatak sa kanya habang siya ay nagtatrabaho.
Kwento niya, may pasyenteng nasawi sa loob ng ambulansya dahil hindi na ito umabot sa ospital bunsod ng sirang kalsada.

Bilang tugon, sinabi ni Dizon na forced concrete na ang ginagamit sa rehabilitasyon ng kalsada upang mas maging matibay ang daan para sa mga mabibigat na sasakyan.
“Yung forced concrete na yung ginagamit natin kasi puro truck ang dumadaan, matibay na matibay. Mas mabilis yung pouring time. Mga 7 to 14 days na lang instead of 28 days,” paliwanag ng kalihim.

Sa bawat daang naibabalik sa maayos na kondisyon, unti-unting napapabilis ang paggalaw ng mga tao, produkto, at oportunidad — mga bahaging mahalaga sa paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng mga komunidad.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, patuloy na isinusulong ng administrasyong Marcos Jr. ang mga proyektong naglalapit ng serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan at nagpapalakas sa pundasyon ng pambansang kaunlaran.
Sa patuloy na rehabilitasyon ng Maharlika Highway, isinusulong ng pamahalaan ang layuning tiyakin na ang bawat biyahe ay mas ligtas, mas mabilis, at mas maaasahan — isang hakbang tungo sa mas konektado, mas matatag, at mas maunlad na Pilipinas.
“Kaya may Maharlika Highway eh, para mayroon tayong isang highway mula Aparri hanggang Jolo,” ani Pangulo. – VC











