
Tahimik lang sa loob ng Senate Archives. Walang tunog ng debate o sigawan ng plenaryo ngunit sa pagitan ng mga lumang papel at videotape, naroon ang mga kwento ng mga batas, laban, at desisyong humubog sa bansa.
Sa isang panayam ni Ang Senado ng Pilipinas Host Catherine Villar mula sa isang episode ng programa, ibinahagi ni Director II Assumption Ingrid Reyes ng Senate Legislative Archives ang hindi matatawarang ambag ng tanggapan sa pang araw-araw na operasyon ng Senado.
“Well, the mandate of Archives is we are here to preserve, maintain, and make available for reference and research all vital legislative documents and historical documents of the Philippine Senate,” pagsisimula ni Reyes.
KASAYSAYAN NG SENATE LEGISLATIVE ARCHIVES
Noong 1972, taon kung kailan idineklara ang Martial Law, nagsara ang dating Batasang Pambansa. Dahil dito, lahat ng lumang record ng Senado at Kongreso ay inilipat sa House of Representatives.
Matapos ang ilang taon, muling nabuhay ang Senado sa pagbabalik ng 8th Congress noong 1987. Dito itinatag ang Legislative Records Division sa pamumuno ni Ms.Tess Bondoc upang muling ayusin at alagaan ang mga dokumentong naiwan ng kasaysayan.
Pagsapit ng 1994, sa ilalim ni dating Senate President Edgardo Javier Angara, nabuo ang Legislative Records and Services (LRS) na pinamunuan ni Ms. Antonia Barrios habang si Bondoc ay naging Bureau Director ng Reference Bureau na sumasaklaw sa Library at Archives.
PAPEL SA SENADO, DEMOKRASYA, AT KATOTOHANAN
Habang patuloy na gumugulong ang mga diskusyon sa Senado, tahimik namang nagtatrabaho ang Senate Archives sa likod ng mga ito – inaalagaan ang bawat dokumento, at tinitiyak na mananatiling buhay at bukas sa publiko ang kasaysayan ng ating lehislatura.
Hindi basta koleksyon ng lumang papel ang hawak ng Senate Archives. Matatagpuan dito ang committee hearings, reports, plenary journals, at transcripts ng ilang pinakamahalagang pangyayari sa Senado, kabilang ang mga impeachment trials, canvassing ng mga boto sa halalan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, at maging ang mga necrological services ng mga dating senador.
Taglay din ng Archives ang audio recordings mula 1967 hanggang 2001 at video records mula 1987, kung saan nasaksihan ang mga makasaysayang sandali tulad ng botohan sa U.S Bases noong 1991, ang impeachment ng dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001, maging ang paglilitis kay dating Chief Justice Renato Corona.
Ngunit sa kabila ng kahalagahan ng mga record, limitado ang kagamitan ng archives. Isa sa pinakamalaking problema na kinahaharap nito ay ang kakulangan sa equipment. Iisa lang ang playback device nila para sa lumang audio tapes, kaya mabagal ang pagma-migrate ng mga records.
Bawat quarter, nililinis at vacuum-sealed din ang mga kahon. Gumagamit din ang Archives ng filmoplast para sa mga sirang papel, ngunit dahil mahal madalas ay diskarte at tiyaga ang sandigan.
Malayo na rin ang narating ng kanilang digitalization efforts. Sa ngayon, nasa 90% digitized na ang mga paper documents at 60% ng audio files ay nagsimula ang proseso noong 2015 at nagpapatuloy hanggang ngayon. Bukas ang karamihan ng record sa publiko maliban sa mga confidential executive sessions.
Maaring mag-request ng kopya sa Senate website o mag-email sa archives.gov.ph gamit ang QR form online. Pinakamaraming request ngayon ay mula sa Blue Ribbon Investigations sa flood control, nagsisilbing patunay ng tuloy-tuloy na interes ng mamamayan sa transparency.
Sa Senate Archives, bawat dokumento ay alaala – at bawat alaala ay paalala kung gaano kahalaga ang katotohanan at demokrasya. – VC