Isang 60 taong gulang na lalaki ang pormal nang inampon sa ilalim ng Republic Act (RA) 11222 o ang Simulated Birth Rectification Act (SIBRA).
Buong buhay na kinilala ni Ranello A. Anis bilang magulang ang kanyang ina na si Pacita, ngunit nitong Oktubre noong nakaraang taon ay pormal na itong nagpetisyon para itama ang birth record nito.
Ito ay matapos magsampa ng kaso ng kanilang kamag-anak dahil sa umano’y ‘falsified’ o ‘simulated’ na birth certificate ni Ranello.
Sa tulong ng National Authority for Child Care (NACC), ay naisapinal at naipagkaloob na kay Ranello ang adoption order nito na kanyang nakuha ngayong buwan.
Sa ilalim ng RA 11222 ay natutulungan ang mga ganitong kaso kung saan maaaring mabago ang dokumento ng mga ‘adoptee’ na magbibigay din ng proteksyon para sa kanilang karapatan.
Kaugnay nito ay mayroong amnestiya ang mga ‘adoptive parents’ na hanggang 2029 para asikasuhin at itama ang mga impormasyon nang walang haharaping ‘legal consequences’.
“We encourage those who falsified their children’s birth records to come forward and take advantage of the amnesty until 2029. This is a rare opportunity to correct mistakes and ensure the legal future of your child,” paalala ni NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada.
Maaari namang maharap sa criminal charge na may kasamang pagkakakulong at piyansa ang sinumang magkakaroon ng ‘falsified records’ matapos ang Marso 28, 2019. – AL