Inihayag ng pamahalaang lungsod ng Quezon City na tatlo sa mga gusali nito ang ‘solar-powered’ na matapos ang matagumpay na paglalagay ng halos 600 ‘photovoltaic solar panels’ sa High Rise Main Building, Legislative Building, at Treasury Building ng QC Hall.
Bahagi ang inisyatibong ito ng QC Solarization Program ngayong 2024 na adhikain ni Mayor Joy Belmonte upang bawasan ang paggamit ng ‘non-renewable energy’ sa lahat ng mga ospital, paaralan, at gusaling pag-aari ng lungsod na makatutulong sa pagtitipid sa kuryente at pangangalaga sa kalikasan.
Inaasahang makatitipid ang solar-powered buildings ng P1.5 million kada taon mula sa bayarin nito sa kuryente bukod pa sa pagbabawas sa ‘carbon footprint’ ng lungsod na aabot sa 125 tonelada. -AL