IBCTV13
www.ibctv13.com

TOURISM DAY: 4 pasyalan sa Intramuros, may libreng ‘entrance fee’ ngayong araw

Ivy Padilla
410
Views

[post_view_count]

Photo by Department of Tourism

Bilang pagdiriwang ng World Tourism Day, may handog na “free entrance” ang Intramuros Administration sa mga kilalang atraksyon sa Manila’s Walled City ngayong Biyernes, Setyembre 27, na maaaring ma-avail ng publiko hanggang 12 noon.

FORT SANTIAGO (8:00 a.m. to 10:00 p.m.)

Isa sa pinakasikat na pasyalan sa Intramuros, Maynila na mayaman sa kasaysayan dahil ito ang nagsilbing kuta ng mga sundalong Kastila at naging bilangguan ng pambansang bayani na si Jose Rizal.

Maaaring bisitahin sa Fort Santiago ang Rizal Shrine at Rizaliana Furniture Exhibit na naglalaman ng ilan sa mga memorabilya ni Rizal.

BALUARTE DE SAN DIEGO (8:00 a.m. – 5:00 p.m.)

Kilala bilang pinakaunang tanggulan o kuta sa Maynila na may pinakamagandang istruktura sa loob ng Intramuros.

Matatagpuan dito ang mga lumang pader at istruktura na gawa noong panahon ng Kastila, gayundin ang mga halaman at puno sa paligid.

CASA MANILA MUSEUM (9:00 a.m. to 6:00 p.m.)

Ang Casa Manila o Manila House ay isang museo na naglalaman ng kwentong buhay ng mga pamilyang Pilipino noong Spanish colonial period.

Kabilang sa makikita sa loob ng museo ang mga kagamitan mula sa Europe at China, pati na ang mismong disenyo ng bahay na hango sa 19th century.

MUSEO DE INTRAMUROS (9:00 a.m. to 6:00 p.m.)

Ito ang pinakabagong museo sa loob ng Intramuros na naglalaman ng iba’t ibang artworks, relics, sculptures at antique items mula pa noong unang panahon.

Upang ma-avail ang libreng entrance fee sa apat na pasyalan ngayong araw, kailangan lamang iboto ang Intramuros bilang ‘World’s Leading Tourist Attraction’ sa https://www.worldtravelawards.com/vote.

I-screen shot ang boto at ipakita bago bumisita sa napiling tourist spot sa Intramuros. -VC