
Bilang bansang malapit sa “Pacific Ring of Fire,” hindi na kataka-taka na ang Pilipinas ay tahanan ng mahigit 24 aktibong bulkan na regular na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Pangunahing tinututukan ngayon ng ahensya ang Bulkang Mayon sa Albay, Bulkang Taal sa Batangas, at Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Batay sa datos ng PHIVOLCS, ang mga aktibidad ng isang bulkan ay maaaring magdulot ng seryosong banta sa buhay, kabuhayan, at kapaligiran ng mga mamamayan.
Nitong umaga, Martes, Abril 8, naitala ang pagsabog mula sa Kanlaon na nagbuga ng abo na umabot sa 4,000 metro ang taas. Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan.
Ang sistemang tinatawag na Volcano Alert Levels ay isang mahalagang pamantayan upang matukoy ang kasalukuyang kondisyon ng isang bulkan.
Nagsisilbi itong gabay sa kung anong hakbang ang kailangang isagawa ng mga komunidad at lokal na pamahalaan upang maiwasan ang trahedya.
Tiyak na hindi na bago ang Alert Level Status ng isang bulkan para sa marami. Pero ano nga ba ang ibig-sabihin ng bawat level at kailan dapat maging handa ang mga mamamayan na nakatira malapit sa aktibong bulkan upang lumikas na.
Alert Level 0: Walang Nakikitang Panganib
Kapag nasa Alert Level 0, ang bulkan ay nagpapakita ng normal na aktibidad.
Bagaman walang inaasahang pagsabog, pinapayuhan pa rin ang publiko na iwasan ang pagpasok sa Permanent Danger Zone (PDZ) na may layo na apat (4) na kilometro mula sa bunganga ng bulkan, dahil sa posibilidad ng biglaang pagsabog, pagguho ng bato, at pagguho ng lupa.
Nararapat din na manatiling maging mapagmatyag at sumunod sa mga lokal na ordinansa hinggil sa PDZ.
Alert Level 1: Mababang Antas ng Pag-aalburoto
Sa antas na ito, may bahagyang pagtaas sa bilang ng paglindol sa loob ng bulkan habang naglalabas ng usok o gas.
Maaaring magkaroon ng mga irregular na mahihinang pagsabog mula sa bunganga nito, at pagtaas ng temperatura sa mainit na bukal ng bulkan.
Ipinagbabawal na ang pagpasok sa PDZ upang maiwasan ang anumang panganib, at pinaaalalahanan na manatiling alerto sa mga anunsyo ng PHIVOLCS.
Alert Level 2: Katamtamang Antas ng Pag-aalburoto
Ang antas na ito ay nagpapahiwatig ng patuloy na pagtaas sa mga aktibidad ng bulkan tulad ng pagdami ng bilang ng lindol, mas mataas na emisyon ng usok o gas, at paglaki ng edepisyo ng bulkan. May posibilidad na humantong ito sa pagsabog.
Ipinagbabawal na ang pagpasok sa PDZ at sa mga lugar na nasa loob ng limang (5) kilometro mula sa aktibong bunganga habang pinaghahanda na ang mga residente sa posibleng paglikas.
Alert Level 3: Mataas na Antas ng Pag-aalburoto
Sa Alert Level 3, patuloy at kapansin-pansin ang pagtaas sa bilang ng lindol, kabilang ang mga mababang frequency at volcanic tremor (isang uri ng mahina ngunit tuloy-tuloy na lindol na karaniwang nauugnay sa paggalaw ng magma, gas, o likido sa ilalim ng bulkan).
Nagkakaroon ito ng malalakas at maraming pagbuga ng usok at abo, at patuloy na pagtaas ng emisyon ng sulfur dioxide (SO₂).
Ipinagbabawal ang pagpasok sa PDZ at sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng posibleng pagsabog.
Pinapaalalahanan na masusing alamin ang mga evacuation routes para sa agarang paglikas.
Alert Level 4: Malapit na ang Pagsabog
Ito ay nagpapahiwatig na ang pagsabog ng bulkan ay maaaring maganap sa loob ng ilang araw o mas maaga.
Ang mga senyales ay kinabibilangan ng patuloy na pagtaas ng aktibidad ng bulkan at mga palatandaan ng pag-akyat ng magma.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa PDZ. Dito ay kinakailangan na ang agarang paglikas sa mga apektadong lugar dala ang mahahalagang gamit, at manatili sa itinakdang evacuation centers.
Alert Level 5: Nagsisimula o Nagaganap na ang Pagsabog
Sa antas na ito ay isang mapanganib na pagsabog ang nagaganap o nagsimula na. Ang mga epekto nito ay maaaring maramdaman sa maraming lugar.
Nararapat nang lumikas at manatili sa ligtas na lugar, at iwasan nang bumalik sa mga apektadong lugar hangga’t hindi nagbibigay ng go-signal ang mga awtoridad.
Ayon sa PHIVOLCS, patuloy ang kanilang 24/7 na pagmamanman sa mga aktibong bulkan sa bansa kasabay ang paghikayat sa publiko na sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.
Para sa opisyal na updates at alert levels, bisitahin ang www.phivolcs.dost.gov.ph.
Sa tamang impormasyon at maagap na paghahanda, kaya mong matiyak ang kaligtasan. – VC