
Sa loob lamang ng 24 na oras, naimbento ng Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) students na sina Clint Alonzo, Ralph Adriane Dilao, at Vince Clave Igot mula sa University of Cebu ang “AidVocate” — isang relief map website na kayang makapagbigay na kayang maipaalam sa mga LGU at NGO ang lokasyon ng mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Sa pamamagitan ng nasabing site, maaaring humiling ng agarang tulong gaya ng pagkain, inumin, atensyong-medikal, pansamantalang masisilungan, damit, at iba pang mga pangangailangan ang mga biktima ng sakuna basta’t isusumite rin ang kanilang pangalan, contact information, at litrato ng kasalukuyang sitwasyon.
Kabilang pa sa feature ng Aidvocate ang kakayahan ng malayong mahal sa buhay na i-pin ang lokasyon ng kanilang kamag-anak sa probinsya para maabutan ito ng pangangailangan lalo na kung wala pa ring cell signal o kuryente sa lugar.
Sa isang exclusive interview ng IBC Digital, inihayag ng tatlong young developers na umaasa sila na mas marami pa ang maabot at masasagip ng AidVocate kasabay ng hangaring mapalawak pa ang paggamit ng website sa iba pang kalamidad tulad ng bagyo.
Maaaring bisitahin ang website sa https://cebu-calamity-response.vercel.app/ para makapag-pin ng lokasyon at makahingi ng agarang pangangailangan. – AL











