IBCTV13
www.ibctv13.com

Zero Hunger Mission, isinusulong ng SOS PH, Allianz PNB Life sa pamamagitan ng Food Rescue Program

Alyssa Luciano
456
Views

[post_view_count]

Food surplus from a hotel in Metro Manila gets transported inside SOS Philippines’ truck, KaGat, which is then given to the beneficiary community at Sampaloc, Manila.

Mula sa munting hangarin na makatulong sa mga nangangailangan at nagugutom na kababayan, isang malaking tungkulin na ang ginagampanan ng Scholars of Sustenance (SOS) Philippines bilang tulay para sa Food Rescue Program na may layuning makamit ang ‘Zero Hunger Mission’ sa Pilipinas.

Kasabay na isinusulong sa ilalim ng Food Rescue Program ang ‘environmental sustainability’ dahil nababawasan pa ang nasasayang na pagkain.

‘Hitting two birds in one stone’ nga kung maituturing ang mithiin ng Food Rescue Program dahil bukod sa nakatutulong sila sa mga kababayan na kumakalam ang sikmura, kasabay na natutugunan ang problema sa ‘food surplus’ ng ilang mga establisyemento sa bansa.

Ayon kay Mac Florendo, Food Rescue Supervisor ng SOS Philippines, nagsimula ang adbokasiyang ito nang maging iskolar siya sa ibang bansa. Gamit lamang noon ang kanyang bisikleta, humihingi si Florendo ng mga sobrang pagkain sa mga establisyemento na dadalhin naman niya sa mga nagugutom na komunidad.

“We’re just creating a more sustainable management of our resources na instead na nasasayang ‘to, napapakinabangan natin and para talaga sa tao yung narerescue natin,” saad niya.

Batay sa pinakahuling datos ng SOS Philippines, umabot na sa mahigit 595,000 kilo ng mga pagkain ang natanggap nito mula sa mga tinatawag na ‘donor.’ Ito ay binubuo ng mga establisyemento gaya ng hotel, manufacturers, at factory pati na ang mga indibidwal na may busilak ang puso at nais makiisa sa kanilang adhikain.

Isa ang insurance company na Allianz PNB Life sa sumusuporta sa layunin ng SOS PH.

Sa katunayan, isang truck ang ipinagkaloob ng Allianz PNB Life para mas mapadali ang pagsasagawa ng misyon ng food rescue foundation na makapaghatid ng mga pagkain sa mga nangangailangang komunidad.

“We would love to help with their advocacy, their mission in terms of securing food, in terms of also the distribution challenge that we face where you have places, organizations that have an abundance of it, and people unfortunately who do not have access to the food,” saad ni Allianz PNB Life Chief Marketing Officer Gino Riola.

As of July 2024, pumalo na sa 2.5 million food packs ang naipamahagi ng SOS Philippines sa iba’t ibang mga komunidad sa National Capital Region (NCR), kabilang ang Most Holy Trinity Parish sa Sampaloc, Manila.

Kaya naman malaki ang pasasalamat ng mga volunteer sa insiyatiba ng organisasyon.

Saksi ang parish volunteer na si Merlita Bobier sa kung paano sumasaya ang mga naaabutan nila ng pagkain sa tuwing nag-iikot sa bawat komunidad.

“Tuwang-tuwa sila kapag may nagbigay ng pagkain dahil wala na nga silang trabaho, hindi nakapasok, sa kalye pa natulog. Kapag may nagbigay ng pagkain tuwang-tuwa sila. Wala kang marinig [kundi] ‘salamat po’, ‘pagpalain kayo’,” kwento ni Bobier.

Inaasahang mas darami pa ang matutulungan ng SOS Philippines sa pamamagitan ng Food Rescue Program dahil ito ay palalawakin pa hindi lamang sa Metro Manila pati na sa buong Pilipinas. -VC