IBCTV13
www.ibctv13.com

Alex Eala, bumida sa front page ng The New York Times kasunod ng makasaysayang US Open run

236
Views

[post_view_count]

Alex Eala receives front-page recognition from The New York Times. (Photo courtesy of New York Times)

Panibagong karangalan para sa Pilipinas ang dinala ni Filipino tennis phenom Alex Eala matapos siyang lumapag sa front page ng The New York Times kasunod ng kanyang makasaysayang US Open run.

Sa large photograph ng tennis star, hinangaan ang umaalab na suporta ng mga Pilipino para kay Eala sa Little Manila, isang komunidad ng mga Pilipino sa Woodside, Queens.

Pinamagatang “The Filipino Star at the U.S Open Igniting a Neighborhood in Queens”, tinalakay ang lumalaking kasikatan ng 21-anyos na atleta kung saan sinabing umabot na sa “icon status” si Eala sa hanay ng mga Pilipino matapos maging kauna-unahang tennis player mula sa Pilipinas na nagwagi ng major singles title noong nakaraang buwan.

Sa kanyang mga tournament, naging karaniwan na tanawin ang watawat ng Pilipinas, Eala merchandise, at malalakas na sigawan mula sa mga Pilipinong tagasuporta ni Eala.

Naging sentro rin ng mga watch party ang mga restaurant sa Little Manila, habang sinusubaybayan ng komunidad ang kampanya ng Pilipinang atleta sa torneo.

Sa Kusina Pinoy Bistro, nagtipon din ang mga Pilipino upang panoorin ang kanyang first-round match sa kabila ng masamang panahon.

Tinalo ni Eala ang American qualifier na si Alycia Parks sa score na, 6-1, 6-2.

Inihambing naman ng New York Times ang kakayahan ni Eala na pag-isahin ang mga Pilipino sa suportang tinanggap noon ng boxing legend na si Manny Pacquiao.

Gayunman, sinabi ni Adrian De Leon mula sa “New York University’s Sulo: The Philippine Studies Initiative” na ang pagsikat ni Eala ay higit na “homegrown” — nakaugat sa kanyang talento, determinasyon, pamilya, at patuloy na suporta ng mga tagahanga.

“If she wins, it would boost the morale of the country,” ayon kay Dennis Nepomuceno, co-owner ng Kusina Pinoy Bistro, sa panayam sa The New York Times.

Uusad na si Eala sa Round of 32 ng US Open Grand Slam matapos pataubin si Oleksandra Olinykova sa kanilang rematch ngayong umaga, Setyembre 4 (PST) sa score na 6-1, 6-4. – VC