
Patuloy ang pag-angat ni Filipina tennis superstar Alexandra Eala matapos niyang makamit ang career-high na World #18 sa pinakabagong Women’s Tennis Association (WTA) Singles rankings ngayong Lunes, Agosto 24.
Ito na ang pinakamataas na ranggong naabot ng isang Filipina at Southeast Asian player sa nasabing kategorya sa kasaysayan ng WTA, at nilampasan ang dating benchmark ng mga tennis pioneer sa rehiyon tulad nina Tamarine Tanasugarn ng Thailand at Yayuk Basuki ng Indonesia.
Nagtala si Eala ng 2,281 puntos sa opisyal na rankings na naging sapat para umakyat siya sa No. 18 matapos ang kanyang third-round exit sa Cincinnati Open.
Dalawang puwesto itong mas mataas kumpara sa dati niyang career-high na No. 20, na naabot matapos makuha ang kanyang kauna-unahang WTA 500 title sa Mubadala D.C. Open sa Amerika noong Agosto 3.
Inaasahan namang magiging seeded player si Eala sa prestihiyosong U.S Open, ang huling Grand Slam tournament ng 2026 na nakatakdang ganapin mula Agosto 30 hanggang Setyembre 13 sa New York.
Panibagong milestone ito para sa 21-anyos na atleta, matapos siyang maging unang Pilipino na naging “seeded plater” sa Singles event ng isang Grand Slam, nang maging Seed No. 29 siya sa Wimbledon noong Hulyo. – MP











