IBCTV13
www.ibctv13.com

DICT, naghatid ng cybersecurity seminar at libreng Wi-Fi sa liblib na komunidad sa Tarlac

129
Views

[post_view_count]

The Department of Information and Communications Technology (DICT) Region III conducted a “Safer Internet for All” and cybersecurity awareness session, alongside an orientation on the government’s Free Wi-Fi for All Program, at Agus Elementary School in Sitio Agus, San Jose, Tarlac, on June 4. (Photo courtesy of DICT)

Sa isang komunidad sa San Jose, Tarlac na limitado pa rin ang access sa internet at digital services, mas nabigyan ng pag-asa ang mga residente na mapalapit sa teknolohiya matapos maghatid ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng programa para sa digital connectivity at ligtas na paggamit ng internet.

 

Noong Hunyo 4, isinagawa ng DICT Region III ang “Safer Internet for All” at cybersecurity awareness session kasabay ng orientation para sa Free Wi-Fi for All Program sa Agus Elementary School sa Sitio Agus, San Jose.

 

Nakibahagi sa aktibidad ang mga magulang, mag-aaral, guro, at iba pang residente ng komunidad upang matuto tungkol sa cybersecurity at mga programa para sa konektibidad ng pamahalaan.

 

Pinangunahan nina DICT Region III Regional Director Antonio Padre at Assistant Regional Director James Villanueva ang programa, kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Jose sa pangunguna ni Municipal Mayor Romeo Gueco Capitulo, gayundin ang mga opisyal ng barangay, mga kinatawan ng paaralan, at mga tauhan ng DICT.

 

Sa seminar, tinalakay ang mga karaniwang banta sa internet tulad ng phishing scams, identity theft, misinformation, at cyberbullying.

 

Nagbahagi naman ang mga resource speaker ng mga praktikal na gabay sa pagprotekta ng personal na impormasyon, pagbuo ng matitibay na password, at pagtukoy sa mga kahina-hinalang online na aktibidad.

 

Ipinakilala rin ang Free Wi-Fi for All Program, na pangunahing programa ng pamahalaan na nagbibigay ng libreng internet access sa mga pampublikong lugar, lalo na sa mga geographically isolated at disadvantaged areas.

 

Ayon sa DICT, mahalagang sabayan ang pagpapalawak ng internet access ng sapat na kaalaman sa cybersecurity upang matiyak ang ligtas at responsableng paggamit ng mga mamamayan sa mga digital platform.

 

Ang aktibidad ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang digital connectivity sa bansa, at tiyaking walang komunidad na maiiwan sa patuloy na digital transformation ng Pilipinas. – VC