
Pumanaw na ang komedyanteng si Gil Aducal Morales, mas kilala bilang “Ate Gay,” sa edad na 55 nitong gabi ng Linggo, Nobyembre 1, 2026.
Sa inilabas na pahayag sa official Facebook page ni Ate Gay, ibinahagi ng kanyang pamilya ang malungkot na balita, matapos ang mahigit isang taong pakikipaglaban ng komedyante sa Stage 4 mucoepidermoid carcinoma, o salivary gland cancer.
“After bravely fighting for his life, while surrounded by his family, our beloved Ate Gay has peacefully passed away,” ayon sa pahayag.
Nagpaabot ng pasasalamat ang kanyang pamilya sa lahat ng nag-alay ng panalangin, pagmamahal, tulong pinansyal at suporta kay Ate Gay sa gitna ng kanyang karamdaman.
Hiniling din ng pamilya ang patuloy na panalangin sa kapayapaan ni Ate Gay at lakas para sa mga naulila nitong mahal sa buhay.
Matatandaang naglipana agad ang balita ng pagpanaw ni Ate Gay noong umaga ng Sabado, Oktubre 31, na mariing pinabulaanan ng kanyang pamilya.
“We kindly ask everyone to stop spreading fake news, unverified information, and premature announcements about his condition. Receiving messages of condolences while our loved one is still fighting is deeply painful for our family,” ayon sa pahayag.
Noong Setyembre 2025, inanunsyo ni Ate Gay na na-diagnose siya ng Stage 4 cancer kung saan sinabi ng kanyang doktor na maaaring hindi na siya umabot ng 2026.
Nito lang Oktubre 15, nagsagawa ang komedyante ng isang living funeral upang bigyan ng pagkakataon ang kanyang sarili na marinig ang mga huling mensahe ng pagmamahal at pamamaalam mula sa kanyang mga kaibigan at pamilya. – VC











