IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nilagdaan ang bagong batas na magbibigay ng voucher assistance sa mga mag-aaral na nais mag-aral sa pribadong paaralan

68
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. signed Republic Act No. 12327, establishing a government-funded voucher system for K-12 students enrolling in participating private schools to expand access to education and ease public school classroom congestion. (File photo of PCO and DepEd)

Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12327 o ang Basic Education Voucher Assistance Act, na naglalayong mabigyan ng mas malawak na oportunidad sa edukasyon ang mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya at mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng bagong kautusan, magkakaloob ang pamahalaan ng mga voucher na maaaring gamitin ng mga kwalipikadonge estudyante bilang pambayad sa kanilang pag-aaral sa mga pribadong paaralan.

Saklaw ng programa ang mga private school na tumatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan, kabilang ang pagbibigay ng voucher sa mga mag-aaral at subsidiya para sa mga guro.

Ang Department of Education (DepEd) ang mangangasiwa sa pagtukoy ng halaga ng mga voucher batay sa isinagawang pagsusuri.

Mas malaking subsidiya ang ilalaan sa mga mag-aaral na kabilang sa low-income households.

Nakasaad din sa batas na kailangang maibigay ang bayad sa mga paaralang kasali sa programa sa loob ng 60 araw matapos maisumite ang lahat ng kinakailangang dokumento.

Bibigyang-prayoridad sa programa ang mga mag-aaral na nagmula sa mga pampublikong paaralang kinikilalang may siksikang populasyon, gayundin ang mga naninirahan sa mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan.

Maaari ring magbigay ng karagdagang tulong-pinansyal ang mga lokal na pamahalaan, private sector, at iba pang institusyong nagbibigay ng scholarship upang matugunan ang natitirang gastusin sa pag-aaral ng mga benepisyaryo.

Samantala, magsasagawa ang DepEd ng regular na pagsusuri at pagsubaybay sa mga pribadong paaralang kasali sa programa upang matiyak ang kalidad ng ipinagkaloob ng edukasyon.

Kabilang sa mga susubaybayan ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa at matematika, gayundin ang bilang ng mga nakapagtapos.

Bukod sa subsidiya sa matrikula, maaari ring makatanggap ng karagdagang suporta ang mga pribadong paaralan at kwalipikadong guro sa pamamagitan ng mga pagsasanay, subsidiya sa sahod, at scholarship para sa propesyunal na pagpapaunlad ng mga guro. – IP