
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang world leaders sa sidelines ng 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China, ngayong Nobyembre 19, upang palakasin ang ugnayang diplomatiko at palawakin ang kooperasyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Kabilang sa mga nakapulong ng Pangulo sina Vietnamese President Tô Lâm, New Zealand Prime Minister Christopher Luxon, at Mexican President Claudia Sheinbaum.
Sa kanyang pakikipagpulong kay President Lâm, pangunahing tinalakay ng dalawang lider ang usaping pandagat at seguridad sa pagkain, at muling pinagtibay ang matagal nang matatag na ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Ipinahayag din ni Pangulong Marcos Jr. ang buong suporta ng Pilipinas sa Vietnam bilang host ng 2027 APEC Summit.
Samantala, sa pakikipag-usap ng Pangulo kay PM Luxon, kanyang binigyang-diin ang pagpapahalaga ng Pilipinas sa matagal nang pagkakaibigan sa New Zealand, gayundin ang hangaring patuloy na palakasin ang pagtutulungan para sa kabutihan ng mamamayan.
“The Philippines values its longstanding friendship with New Zealand, and we look forward to continuing our work together for the benefit of our peoples,” wika ng punong ehekutibo.
Kaugnay nito, nakatuon naman sa pagpapalakas ng ugnayang Pilipinas-Mexico partikular sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, at pagpapalitan ng kultura, ang pinag-usapan nina Pangulong Marcos Jr. at Mexican President Claudia Sheinbaum.
“Our two countries share a special bond dating back more than four centuries to the Manila-Acapulco Galleon Trade, which connected our peoples across the Pacific. We look forward to building on this longstanding friendship and strengthening our cooperation,” ani punong ehekutibo.
Nasa Shenzhen, China ang mga lider ng Asia-Pacific upang dumalo sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting, kung saan pinag-uusapan ang mahahalagang usaping pang-ekonomiya at mga hakbang para sa mas malawak na kooperasyon sa rehiyon. – MP











