
Mas pinabilis ng Department of Education (DepEd) ang pagtukoy sa mga batang may posibleng learning at communication difficulties sa pamamagitan ng bagong AI-based screening tool na Project SABAY o Screening using AI-Based Assistance for Young Children.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, kayang suriin ng Project SABAY ang kakayahan ng mga mag-aaral sa loob lamang ng 15 minuto.
Mas mabilis ito kumpara sa tradisyonal na Multi-Factored Assessment Tool (MFAT), na karaniwang umaabot ng hanggang dalawang oras na screening sa bawat bata.
“Technology must work for our most vulnerable learners, and the teachers who guide them,” ani Angara.
Layunin ng bagong sistema na matulungan ang mga guro na agad matukoy ang mga mag-aaral sa Grade 2 na nangangailangan ng dagdag na tulong sa pag-aaral at komunikasyon upang maipagkaloob sa kanila ang angkop na suporta mula sa mga espesyalista.
“By providing them with transparent, data-driven tools that show step-by-step results, we are giving our teachers the confidence and clarity they need to partner effectively with parents and secure early interventions,” dagdag ng kalihim.
Binuo ang Project SABAY ng Bureau of Learning Delivery–Student Inclusion Division (BLD-SID) at Education Center for AI Research (ECAIR).
Gumagamit ang application ng gamified speech tasks o parang mga laro upang matukoy ang kakayahan ng mga bata.
Kabilang dito ang pagtukoy sa mga larawan, pagbigkas ng mga salita, pagbigkas ng mga gawa-gawang salita, at paggawa ng iba’t ibang tunog.
Sa ganitong paraan, mas nagiging komportable ang mga bata habang isinasagawa ang screening at hindi masyadong nararamdaman na sumasailalim sila sa isang formal assessment.
Pinuri naman ng mga school head at guro ang sistema dahil malinaw nitong ipinapakita ang resulta ng pagsusuri.
Dahil dito, mas madaling naipapaliwanag sa mga magulang kung anong tulong ang kailangan ng kanilang mga anak.
“As a teacher, when it comes to administering the Early Childhood Care and Development and MFAT, it is time-consuming because we still need to prepare materials. But with Project SABAY, the assessment tool is already given and prepared. It saves a lot of time and effort,” ayon kay Ms. Maelou Salve, Master Teacher II ng Lawaan Elementary School sa Talisay, Cebu.
Matapos ang unang pilot testing ng Project Sabay sa National Capital Region (NCR), pinalawak na ng DepEd ang pangangalap ng datos sa Visayas, Mindanao, at iba pang bahagi ng Luzon.
Layunin nitong higit pang sanayin at pagbutihin ang AI application upang makaangkop sa iba’t ibang wika bago ang planong malawakang pagpapatupad nito sa buong bansa. – MP











