
Nagpahayag ng kagustuhan si US President Donald Trump na palakasin ang kooperasyon ng Pilipinas-Amerika sa larangan ng depensa, enerhiya, at teknolohiya, kabilang dito ang posibleng pagsuplay sa Pilipinas ng langis at natural gas.
Sa bilateral meeting kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang ngayong Nobyembre 18, sinabi ni Trump na posibleng maging “natural partner” ang Pilipinas sa planong pag-export ng mga suplay ng enerhiya mula sa bagong pipeline sa Alaska.
Tinalakay din ng dalawang lider ang paggamit ng Pilipinas ng American technology sa isinusulong na nuclear energy initiative ng administrasyon.
Sa usapin ng depensa, sinabi ni Trump ang nadagdag na pondong inilaan ng Estados Unidos para sa militar ng Pilipinas, at ang inaprubahan niyang pagbebenta ng mga armas na nagkakahalaga ng $5 bilyon.
Binanggit din ni Trump ang Luzon Economic Corridor, isang proyekto ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan na naglalayong makahikayat ng $100 bilyong pamumuhunan.
Ayon kay Trump, makatutulong ang proyekto sa pagpapaunlad ng mga pangunahing industriya at ekonomiya ng Pilipinas, at tiniyak na mananatiling kabahagi ang Estados Unidos sa naturang inisyatiba.
Sa huli, kinilala ng American leader ang Pilipinas bilang isa sa pinakamatanda at pinakamahalagang kaalyado ng Estados Unidos, kasabay ng pangakong patuloy na susuportahan ng Amerika ang bansa.
Ani Trump, mas tumibay pa ang ugnayan ng Pilipinas at U.S. dahil sa matagal nang alyansa, partikular sa kalayaan at seguridad ng dalawang bansa.
Ang pagkakaibigan aniya ng dalawang bansa ay “formed in blood” o nabuo mula sa mga sakripisyo ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na magkasamang naglingkod at nakipaglaban sa iba’t ibang panahon.
“America stands with the Filipino people, just as we have for generations,” ani Trump.
Samantala, binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. ang makasaysayang ugnayan ng dalawang bansa, na kapwa nagdiriwang ngayong taon ng ika-80 anibersaryo ng diplomatic relations at ika-75 anibersaryo ng Mutual Defense Treaty.
Ayon sa Pangulo, ang Estados Unidos ang nag-iisang treaty ally ng Pilipinas.
“The United States is our only treaty ally, and our relationship has continued to grow and evolve over the many years,” ani Pangulo. – VC











