IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, tinawag na ‘very successful’ ang pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit

293
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. faced members of the media in a press conference on Tuesday, November 17, 2026, following the day’s engagements at the 49th ASEAN Summit and Related Summits. (Photo courtesy of PCO)

Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits mula Nobyembre 15-17, at ang pamumuno nito bilang chair ng regional bloc.

Sa post-summit press conference nitong Martes, Nobyembre 17, sinabi ni Pangulo na naging maayos ang mga aktibidad at pagpupulong sa summit, gayundin ang mainit na pagtanggap ng bansa sa mga lider at delegado mula sa ASEAN countries.

Ayon sa Pangulo, pinuri ng mga delegado ang maayos na pagsasagawa at organisasyon ng mga pagpupulong, pati na ang ilan sa mga kulturang ipinagmamalaki ng bansa.

“I consider it very successful. Everyone was very appreciative of the organization. They found it to be well organized. Everyone felt the hospitality of Filipinos. They also saw, as you have, some of the best of the Philippines,” ani Pangulong Marcos Jr.

Sinabi naman ng lider na hindi lamang siya ang dapat kilalanin sa naging tagumpay ng summit, kundi maging ang lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan na nagtulungan at naghanda para sa naturang pagtitipon sa loob ng isang taon.

Pinasalamatan niya ang bawat indibidwal na naging bahagi ng paghahanda, at kinilala ang kanilang sama-samang pagsisikap upang maisakatuparan ang mga layunin ng Pilipinas bilang chair ng rehiyon.

Partikular ding pinuri ng Pangulo ang Presidential Communications Office (PCO), Radio Television Malacañang (RTVM), at iba pang media and communications teams sa pagtitiyak ng maagap at tuluy-tuloy na pagpapalaganap ng mga balita hinggil sa mga aktibidad at gawain ng ASEAN.

Itinuring naman ni Pangulong Marcos Jr. na isa sa pinakamahalagang ambag ng Pilipinas sa rehiyon ang pagsasapinal ng Digital Economy Framework Agreement (DEFA), na naglalayong palakasin ang digital economy ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Ayon sa Pangulo, matagal nang pinag-uusapan ang kasunduan mula pa noong Enero at naging posible ang pagsasapinal nito dahil sa suporta at kooperasyon ng lahat ng kasaping bansa.

Bukod dito, kinilala rin ng mga lider ang kahalagahan ng pagkakaisa upang matugunan ang mga pangunahing hamon sa rehiyon.

Kabilang sa mga prayoridad na tinalakay ang pagpapabuti ng suplay ng kuryente, pagpapalawak ng paggamit ng renewable energy, paghahanda sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis, at pagpapatatag ng suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin at pagkain. – IP