
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng kalakalan at paggamit ng artificial intelligence (AI) sa kanyang pagdalo sa ika-33 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China mula Nobyembre 18-19.
Sa pulong, iginiit ng Pangulo na mahalaga ang pagtutulungan ng mga bansa upang mapalago ang ekonomiya at mapadali ang kalakalan sa rehiyon.
Binigyang-diin din niya ang pagsunod sa mga pandaigdigang tuntunin sa kalakalan sa tulong ng World Trade Organization (WTO).
Iminungkahi ni Pangulong Marcos Jr. na kilalanin ng mga kasaping bansa ang kwalipikasyon at kakayahan ng mga manggagawa mula sa ibang bansa upang mas mapadali ang kanilang pagtatrabaho sa ibang lugar.
Samantala, hinimok niya ang maliliit na negosyo na gamitin ang AI at iba pang makabagong teknolohiya upang mapabuti ang kanilang operasyon at mapalago ang kanilang negosyo.
Sa kanyang mensahe, ibinida rin ng Pangulo ang paglagda ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit.
Layunin nitong palakasin ang digital economy at paggamit ng makabagong teknolohiya sa ASEAN countries.
Sa temang “Building an Asia-Pacific Community to Prosper Together,” dumalo ang mga lider mula sa 21 kasaping ekonomiya ng APEC upang talakayin ang mga isyung nakakaapekto sa rehiyon.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr. mahalagang maisalin sa konkretong benepisyo para sa mamamayan ang mga talakayan sa summit, partikular sa paglikha ng trabaho, pagpapalawak ng access sa serbisyong pangkalusugan. at paghahanda para sa demographic change.
Inaasahanag pagtitibayin sa pagpupulong ang apat na pangunahing dokumento na magsisilbing gabay sa pagtutulungan ng mga bansa.
Kabilang dito ang 2026 APEC Leaders’ Shenzhen Declaration na naglalaman ng mga layunin at direksyon ng mga lider para sa rehiyon, ang APEC Trade Digitalization Cooperation Framework (2026–2030), at pagpapatibay ng APEC Statement on Harnessing Digital Economy and Artificial Intelligence for People’s Well-being.
Muli namang pinagtibay ng mga lider ang kanilang pangako na isulong ang APEC Putrajaya Vision 2040. – VC











