
Mas malawak na oportunidad sa pagbebenta ng mga produkto at serbisyo ang naghihintay sa mga negosyong Pilipino, sa paglagda ng Pilipinas sa Digital Economy Framework Agreement (DEFA) na mag-uugnay sa mga bansa sa ASEAN sa iisang digital economy.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ma. Cristina Roque, mula sa kasalukuyang 115 milyong Pilipino, maaaring lumawak ngayon ang merkado ng mga lokal na negosyo hanggang 680 milyong potensyal na mamimili sa buong ASEAN kapag ganap nang naipatupad ang kasunduan.
“As you notice, mayroon na tayong e-commerce platforms but we sell mostly to the Philippines. So although malaki ang market ng Pilipinas, once na ma-implement itong DEFA, ang magiging market now ay 680 million across ASEAN,” ani Roque.
Sa pamamagitan ng DEFA, magkakaroon ng mas malawak na pagkakataon ang mga negosyong Pilipino na maibenta ang kanilang mga produkto at serbisyo sa iba pang bansa sa rehiyon.
Binigyang-diin naman ni Roque na hindi lamang malalaking kumpanya ang makikinabang sa kasunduan dahil nakadisenyo rin ito para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), o maliliit na negosyo.
Ani kalihim, kahit ang mga negosyanteng nasa malalayong probinsya ay magkakaroon ng pagkakataong makahanap ng mamimili sa iba pang bansa sa ASEAN.
Tiniyak naman ni Roque na maglalabas ang DTI ng karagdagang impormasyon at mga gabay tungkol sa DEFA sa susunod na taon, kasunod ng pormal na ratipikasyon at paglalabas ng mga kaukulang patakaran ng ASEAN.
“Next year, we will give out a lot of information regarding the DEFA para lahat ng tao maging knowledgeable how they can exhaust or use the full potential of it,” ani DTI official.
Layunin nitong matulungan ang mga lokal na negosyante na mas maunawaan kung paano magagamit ang kasunduan upang mapalago ang kanilang negosyo.
Ayon kay Roque, pangunahing tinalakay sa 49th ASEAN Summit ang pagpapalakas ng kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon upang mas mapakinabangan ang laki ng pinagsamang merkado at lakas ng ekonomiya ng mga kasaping bansa ng ASEAN. – VC











