
Kapwa nilagdaan ng Pilipinas at Chile ang Philippines-Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA), ang kauna-unahang bilateral free trade agreement (FTA) ng Pilipinas sa isang bansa sa Latin America.
Sinaksihan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Chilean President Jose Antonio Kast ang paglagda sa kasunduan sa kanilang bilateral meeting sa sidelines ng ika-33 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting nitong Huwebes, Nobyembre 19.
Sa sandaling maipatupad, inaasahang mapadadali ng kasunduan ang pagpasok ng mga produktong Pilipino sa merkado ng Chile, gayundin ang pagpapalawak ng kalakalan at ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., bahagi ang CEPA ng estratehiya ng pamahalaan na palawakin ang mga bansang katuwang ng Pilipinas sa kalakalan at ang pagkakaroon ng alternatibong mapagkukunan ng mga produkto at hilaw na materyales.
Binigyang-diin din ng Pangulo na bagaman 80 taon nang may pormal na ugnayang diplomatiko ang Pilipinas at Chile, nananatiling limitado ang kanilang palitan ng produkto at kalakalan.
Dahil dito, sinabi ng punong ehekutibo na malaki pa ang potensyal na hindi napakikinabangan ng dalawang bansa, kaya naman kabilang sa mga prayoridad ng pamahalaan ang pagtatatag ng free trade agreement.
“This is something that we very much hoped for. We are very happy to finally come to a formal agreement,” saad ng Pangulo.
Kabilang ang Chile sa mga pangunahing katuwang sa kalakalan ng Pilipinas sa Latin America.
Batay sa datos, halos triple ang halaga ng mga produktong iniluluwas ng Chile sa Pilipinas, mula $103.4 milyon noong 2023 patungong $290.8 milyon noong 2024.
Kabilang sa mga pangunahing iniluluwas ng Chile ang tanso, na mahalagang materyales sa paggawa ng semiconductors, electronic devices at mga kagamitang ginagamit sa renewable energy.
“FTA is so important to us because it will certainly allow us to expand trade beyond its current levels,” ani Pangulong Marcos Jr. – MP











