
Patuloy ang mga reporma ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) sa serbisyong pananalapi upang makasabay ang mga Pilipino sa panahon ng digital technology.
Sa isang pahayag, inanunsyo ng bangko na pinahihintulutan na ang mga kliyente na magbukas ng bank account kahit walang maipakitang pisikal na identification card.
Sa halip na tradisyunal na proseso ng pagpapakita ng valid ID, maaari nang gamitin ng mga aplikante ang facial biometric authentication na konektado sa National ID Authentication Services (NIDAS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pamamagitan nito, mabeberipika ang pagkakakilanlan ng isang tao gamit ang biometric data na nakarehistro sa kanyang National ID.
Ang hakbang ay inaasahang malaking ginhawa para sa maraming Pilipino, lalo na sa mga nasa malalayong lugar at sa mga walang mabilis na access sa physical identification card.
Sa halip na maantala ang pagbubukas ng account dahil sa kakulangan ng dokumento, maaari na silang dumaan sa mas mabilis, mas ligtas, at mas maginhawang proseso ng identity verification.
Ayon kay LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz, ang inisyatiba ay bahagi ng layunin ng bangko na gawing mas inklusibo ang sistema ng pananalapi sa bansa.
“At LANDBANK, we are committed to making banking easier and more accessible for every Filipino. By leveraging the National ID system, we are removing barriers to account ownership and bringing more Filipinos into the formal financial system, especially those in underserved and unbanked communities,” ani Ortiz.
Maaaring magamit ang bagong verification feature sa LANDBANK Mobile Banking App, kung saan maaaring magbukas ng account online, o kaya naman sa alinman sa 616 na branch ng bangko sa buong Pilipinas.
Sa pagsasama ng National ID authentication sa account onboarding process, hindi lamang pinabibilis ng LANDBANK ang serbisyo kundi pinalalakas din nito ang seguridad at tiwala ng publiko sa digital banking.
Sa pamamagitan ng mas madaling access sa mga serbisyong gaya ng pagbubukas ng bank account, mas nagiging abot-kamay ang mga oportunidad para sa pag-iimpok, pagnenegosyo, at paglahok sa lumalawak na digital economy ng bansa. – VC











