IBCTV13
www.ibctv13.com

Libre at maaasahang internet access, hatid ng Bayanihan SIM sa malalayong komunidad sa Guimaras

Michael Peronce
86
Views

[post_view_count]

(Photo from DICT)

Hindi na magiging malaking suliranin pa ang kawalan ng access sa digital services ng mga mag-aaral sa malalayong lugar sa Guimaras.

Naging matagumpay ang pamamahagi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Regional Office VI ng Bayanihan SIM sa ilalim ng Free Public Internet Access Program (FPIAP) sa Agsanayan National High School.

Nitong Pebrero, nakapagbigay ang DICT ng kabuuang 654 SIM cards sa mga mag-aaral, at maging sa mga guro at non-teaching staff, na naglalaman ng libreng 25GB data kada buwan sa loob ng isang taon.

Para sa maraming benepisyaryo, malaki ang naitulong ng mas pinahusay at pinatatag na internet connection upang mas mapabuti ang kanilang pakikilahok sa digital learning, pagpapasa ng academic requirements, at pakikipag-usap sa loob ng school community.

(Photo from DICT)

Tulad ng incoming Grade 10 student na si Loraice Iligan, naging malaking tulong para sa kanya ang Bayanihan SIM sa aspetong komunikasyon at pananaliksik.

“Nakakatulong po siya talaga sa pag-communicate sa aking friends, family, especially po kapag may school works. Pwede pong gamitin sa pagre-research,” saad ng estudyante.

(Photo from DICT)

Naging mas maginhawa naman ang pag-aaral ng incoming Grade 12 na si Strawberry, dahil kaya nang tapusin ang mga takdang-aralin kahat saan man siya magpunta.

“Medyo naging mas magaan na po ang aking pag-aaral dahil po may internet na ako kahit saan ako pumunta,” ayon sa mag-aaral.

(Photo from DICT)

Ito rin ang pananaw ng gurong si Lilian Made, isa sa nabigyan ng Bayanihan SIM mula sa DICT Regional Office VI.

“Napaka-beneficial para sa kanila kasi ‘pag ‘di namin matapos ang aming mga gawain, pinapadala namin sa kanila ‘yong activities. Kahit nasa bahay na sila, pwede pa rin sila maka-research,” kwento ng guro.

Para matiyak ang maayos na implementasyon ng Bayanihan SIM, isang site validation activity ang isinagawa, kabilang ang SIM registration, data utilization, user feedback, at koordinasyon sa pagitan ng DICT at lokal na pamahalaan ng Buenavista, Guimaras nitong Lunes, Hunyo 1.

(Photo from DICT)

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni G. Mark Habaña, punong guro ng Agsanayan National High School, sa pakinabang ng Bayanihan SIM sa bawat mag-aaral ng paaralan, lalo na sa kanilang mga asignatura.

“Nagpapasalamat kami as school na nabigyan kami ng Bayanihan SIM. Nakita namin na ang DICT ay nagbigay ng malaking tulong not only to students but also to teachers,” saad ng school chief.

Muli namang pinagtibay ng DICT Regional Office VI ang pangakong ipagpatuloy at palawakin pa ang inisyatiba tungkol sa digital inclusion, at sa pagpapalakas pa ng koneksyon sa mga komunidad tungo sa mas pinatatag na “digital future.”

“We value hearing directly from our beneficiaries, as their feedback is essential in ensuring that our programs remain responsive, effective, and truly impactful on the ground,” ayon kay DICT Undersecretary Leonido Pulido III. – VC