IBCTV13
www.ibctv13.com

Mga dapat mong malaman sa pagbabalik ng Balangay

104
Views

[post_view_count]

A replica of historical “Balangay” sailed on the waters of Pasig River on Thursday, May 28. (Photo from PTV)

Nakakita ka na ba ng Balangay?

Kung hindi pa, marahil ito na ang pagkakataon mo upang makita ang makasaysayang sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Kamaynilaan!

Bilang bahagi ng mala-ekspedisyon na karanasan na bigyang-pagkilala at buhaying muli ang isa sa mahalagang parte ng kulturang Pinoy, isang modernong replika ng Balangay ang muling naglayag sa Ilog Pasig ngayong Mayo.

Batay sa paniniwala ng mga historyador, orihinal na ginamit ang Balangay ng mga Pilipino ilang siglo na ang nakalilipas para sa migrasyon, diplomasya, at pakikipagpalitan ng kultura sa Timog-Silangang Asya.

Ito rin ang pinagmulan ng salitang “barangay” na kilala natin hanggang sa kasalukuyan bilang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan sa Pilipinas.

Photo from PTV

Nitong Huwebes, Mayo 28, higit isang oras na binaybay gamit ang Balangay ng Presidential Communications Office (PCO), mga miyembro ng media, at mga nagsusulong sa maritime heritage ang makasaysayang ruta mula Binondo patungong Manila Bay.

Binagtas nito ang ilalim ng Del Pan Bridge at tabi ng Fort Santiago, kung saan matatanaw mula rito ang Pasig River Esplanade na isang proyektong pangsibiko na isinulong ni First Lady Louise Araneta-Marcos.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Art Valdez, mahalagang panatilihin ang adbokasiya ng pagpapanumbalik sa buhay ng Pasig River sa tulong ng Balangay.

Hindi lamang ito para maibalik ang buhay at kulay ng makasaysayang ilog, kundi para maipakita rin ang mayamang kultura ng bansa.

“And it can only be done kung tayong lahat ay magtulung-tulungan.” dagdag pa ni Valdez.

Bilang malaking bahagi ng kasaysayan ng bansa ang Balangay, pinili itong maging representasyon ng opisyal na logo sa Chairship ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit 2026.

Photo from PCO

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sumisimbolo ito sa temang bitbit ng pagiging host ng Pilipinas na, “Navigating Our Future Together.”

Kaakibat din ng simbolismong ito ang pagkakaisa at maritime roots hindi lamang ng Pilipinas, kun’di maging ng mga katuwang nitong bansa sa ASEAN.- MP