IBCTV13
www.ibctv13.com

2 hanggang 3 bagyo, posibleng mabuo, pumasok sa PAR ngayong Setyembre – PAGASA

323
Views

[post_view_count]

Pouring rain. (IBC File photo)

Tinatayang dalawa hanggang tatlong tropical cyclone ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Setyembre, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Tatawagin ang mga ito sa local name na “Queenie,” “Rosal,” at “Samuel” batay sa listahan ng mga pangalan ng weather bureau para sa taong 2026.

Ayon sa PAGASA, tatlong karaniwang ruta na tinatahak ng tropical cyclones ang nakikita sa climatological tracks para sa buwan ng Setyembre.

Sa unang track, maaaring mabuo ang bagyo sa silangan ng PAR at kumilos sa direksyong hilagang-kanluran bago lumiko patungo sa Japan o South Korea.

Bagaman hindi direktang tatama sa Pilipinas ang mga bagyong daraan sa rutang ito, maaari pa rin nitong palakasin ang Southwest Monsoon o Habagat, na maaaring magdulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Sa ikalawang track, ang bagyo ay posible namang mabuo sa silangan ng PAR at posibleng kumilos patungong hilagang-kanluran bago tumawid sa Northern Luzon at magtungo sa Southern China o Vietnam.

Samantala, posible ring tumawid ang tropical cyclone sa Central o Southern Luzon bago kumilos patungong Southern China o Vietnam batay sa ikatlong track.

Nasa 20 tropical cyclone ang karaniwang pumapasok o nabubuo sa PAR bawat taon, habang nasa walo hanggang siyam dito ang aktwal na tumatawid sa kalupaan ng Pilipinas.

Itinuturing na Hulyo hanggang Oktubre ang peak ng tropical cyclone season sa bansa, kung kailan nabubuo ang halos 70% ng lahat ng mga bagyo.

Sa kasalukuyan, 16 na tropical cyclone na ang naitala sa bansa ngayong taon, kung saan aktibo pa rin ang Bagyong Pilandok na nabuo pa nitong huling linggo ng Agosto. . – IP