IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinalalakas ang suporta sa nutrisyon para sa unang 1,000 araw ng mga bata

97
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos Jr. led the 2026 Alagang Pinas Summit of the Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) in Clark, Pampanga, on November 25, 2026, urging national and local governments to make its nutrition interventions permanent beyond the project’s implementation period. (Photo courtesy of PCO)

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagpapalakas ng mga programa at nutrition services para sa mga buntis, ina at bata, partikular sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata, upang maiwasan ang malnutrisyon at matiyak ang malusog na paglaki ng mga batang Pilipino.

Sinabi ito ng Pangulo sa ginanap na Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) Alagang Summit 2026 sa Clark, Pampanga ngayong Miyerkules, Nobyembre 25.

Sa kanyang talumpati, iginiit ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa paghahatid ng de-kalidad at tuloy-tuloy na serbisyong pang-nutrisyon.

Ani Pangulo, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng pagkain upang matugunan ang pangangailangan sa nutrisyon.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng sapat na access sa serbisyong pangkalusugan, malinis na tubig, maayos na sanitasyon at iba pang pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya.

Binigyang-diin din niya na kailangang tiyakin ang pagpapatuloy ng mga hakbang laban sa malnutrisyon kahit matapos ang apat na taong implementasyon ng PMNP, na pangunahing nilalayong mabawasan ang bilang ng mga batang nakararanas ng stunting o pagkabansot.

Sa kasalukuyan, saklaw ng PMNP ang 275 munisipalidad sa buong bansa at nakatuon sa pagbibigay ng nutrition interventions sa mga buntis, ina at bata sa kanilang unang 1,000 araw ng buhay.

Batay sa datos ng programa as of September 30, 2026, umabot na sa 6.17 milyon ang bilang ng mga benepisyaryo nito.

Kabilang dito ang tinatayang 549,000 batang wala pang limang taong gulang na natukoy at nabigyan ng angkop na serbisyo.

Para sa Pangulo, ang datos ay nagpapakita lamang na lumalawak na ang naabot ng mga serbisyong pang-nutrisyon, gayundin ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.

Kaugnay nito, iniulat ng punong ehekutibo na 134 na munisipalidad ang nakapagtala ng malaking pagbaba sa bilang ng mga batang may stunting matapos ang dalawang taong pagpapatupad ng programa.

Gayunman, kinilala ng Pangulo na nananatiling malaking hamon sa bansa ang malnutrisyon sa kabila ng mga naitalang pag-unlad.

“National agencies must continue providing policy and technical support, while local governments take greater ownership of nutrition interventions by incorporating them into their regular programs and development priorities,” giit ng Pangulo.

Pinangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), layunin ng PMNP na palawakin ang access sa mga serbisyong pangkalusugan, gayundin ang palakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang sektor upang tuluyang labanan ang malnutrisyon sa mga komunidad sa buong bansa. – VC