
Palalakasin ng Presidential Communications Office (PCO) ang pakikipagtulungan nito sa government media, private organizations at social media influencers upang mas maraming Pilipino ang maabot ng impormasyon at mga paalala hinggil sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
Inanunsyo ito ni Senator Erwin Tulfo sa deliberasyon ng Senado nitong Martes, Nobyembre 24, matapos tanungin ni Senator Robin Padilla tungkol sa mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang inaasahang epekto ng naturang climate phenomenon.
Ayon kay Tulfo, katuwang sa pagpapalaganap ng impormasyon ang Philippine News Agency (PNA), Philippine Information Agency (PIA), Presidential Broadcast Service, at mga government television network upang matiyak na maaabot ang mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
“‘Yan po ang susunod na hakbang po nila, ang palalakasin pa at paigtingin ang partnership po sa, ika nga, private media, mga influencers,” ani Tulfo.
Layunin ng pamahalaan na maipabatid sa publiko ang mga hakbang sa paghahanda sa El Niño, gayundin ang mga serbisyong maaaring hingin mula sa gobyerno sakaling maapektuhan ng naturang phenomenon.
Samantala, nagpahayag naman ng kahandaang makiisa si Padilla sa kampanya at iginiit ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga opisyal ng pamahalaan sa harap ng posibleng epekto ng El Niño.
“Sa ganitong pagkakataon, walang oposisyon, walang administrasyon,” saad ng senador.
Una nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang mga paghahanda laban sa posibleng epekto ng El Niño, partikular sa suplay ng pagkain, tubig, at enerhiya.
Kabilang sa mga direktiba ng Pangulo ang pagpapabilis sa pagkumpleto ng mga proyekto sa patubig upang matiyak ang sapat na suplay para sa publiko.
Inatasan din ang mga ahensya na agad magbigay ng tulong sa mga sektor na posibleng maapektuhan, paigtingin ang pagtitipid sa tubig at kuryente, at maglaan ng karagdagang pondo at kagamitan kung kinakailangan. – IP











