
Tiniyak ng Malacañang na hindi pipirma si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa anumang kasunduan sa kalakalan sa ibang bansa na maaaring makapinsala sa interes, kabuhayan, at kapakanan ng mga Pilipino.
Ito ang iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing ngayong Martes, Nobyembre 24, kasunod ng mga pangamba ng ilan kaugnay sa napagkasunduang trade deal ng Pangulo at ni United States President Donald Trump.
Batay sa umano’y kasunduan, 100% ng energy at agricultural imports ng Pilipinas ay dapat manggaling sa Estados Unidos.
Nilinaw ni Castro na wala pang pinal na probisyon o takdang panahon na napagkakasunduan kaugnay nito.
Ani Palace official, layunin ng pakikipag-usap ng Pangulo sa American leader na magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng mga produktong kailangan ng bansa, at hindi upang maisantabi ang mga lokal na produkto.
“Ang pakikipag-usap ng Pilipinas sa US ay isang tagumpay para sa mga Pilipino para magkaroon ng ibang option, ibang source, ng ating mga pangangailangan. Hindi ito dapat makaaapekto sa sarili nating produkto, sa interes ng ating bansa,” ayon kay Castro.
Dagdag pa niya, walang magiging problema sa pag-angkat mula sa US kung ito ang bansang may pinakamurang mapagkukunan ng suplay o may kakayahang magbigay ng partikular na produktong kailangan ng Pilipinas.
“Kung 100% at sila lang ‘yong source at pinakamura, magandang option iyon. Pero siyempre ang ibang pag-uusapan pa rin dito ay kung meron bang ibang source,” ani Castro. – MP











