IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, isinusulong ang mas maraming oportunidad para sa mga batang atletang Pilipino

106
Views

[post_view_count]

President Ferdinand Marcos R. Jr Marcos Jr. during his speech at the homecoming celebration of WTA World No. 15 tennis star Alex Eala in Pasig Central Elementary School, Pasig City today, November 24. (Photo courtesy of PCO)

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagtutok at suporta ng administrasyon sa pagpapaunlad ng larangan ng sports upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga batang atletang Pilipino na mahasa ang kanilang kakayahan at makapagbigay ng karangalan sa bansa.

Ito ang binigyang-diin ng Pangulo sa kanyang mensahe sa isinagawang Milo–Alex Eala Homecoming sa Pasig Central Elementary School sa Pasig City ngayong Martes, Nobyembre 24.

Ayon sa Pangulo, katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Education (DepEd), isinusulong ng pamahalaan na maibalik ang sports sa sistema ng edukasyon, kasabay ng pagpapaganda sa mga pasilidad na magagamit ng mga batang atleta.

“Kung hindi niyo maalala, ang DepEd, ang tawag diyan [dati], Department of Education, Culture, and Sports. Tinanggal na sa eskwelahan ang culture at saka sports. Sa aking palagay, kailangan ibalik. Dapat lahat ng mga bata, kahit na hindi athlete, naglalaro ng kahit na anong klaseng sport,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ibinida nga ng Pangulo ang Batang Pinoy Games at Palarong Pambansa, na nagsisilbing plataporma upang matuklasan, mahubog, at mabigyan ng pagkakataon ang mga batang may potensyal sa sports.
Binigyang-diin naman ng punong ehekutibo ang mahalagang papel ng Milo sa pagpapaunlad ng palakasan sa bansa mula sa pagbibigay ng suporta, inspirasyon, at oportunidad sa mga kabataang nangangarap maging atleta.

Ani Pangulong Marcos Jr., hindi lamang mga pasilidad ang kailangan ng isang atleta upang magtagumpay, kundi maging ang sapat na suporta at paggabay.

“All the time that I have been playing sport, the name ‘Milo’ has always been there. You have played such an important part in the development of our champions, in encouraging and inspiring young people to get into sport, which is a good thing,” saad ng Pangulo.

Kaugnay nito, pinasalamatan at binati rin ng punong ehekutibo si tennis champion Alex Eala sa pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas at pagbibigay inspirasyon sa mga kabataang Pilipino.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang ang mga panalo ni Eala ang dapat maipagmalaki dahil nagniningning din ang kanyang pagiging tunay na Pilipino, sa loob o labas man ng kompetisyon.

“As I told you when you came to visit us in the Palace a while ago, we are not only proud of you, you remind Filipinos to be proud to be Pinoy,” saad ng lider.

Inihalintulad naman niya ang inspirasyong hatid ni Eala sa mga tagumpay nina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at pole vaulter EJ Obiena. – VC