IBCTV13
www.ibctv13.com

AIPA, pinagtibay ang 36 resolusyon para sa seguridad, pagkain, enerhiya, AI, at social protection sa ASEAN

54
Views

[post_view_count]

House Speaker Bojie Dy III presided as AIPA President over the 47th General Assembly of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) in Manila, which ran from November 16-22, 2026. (Photo courtesy of PH AIPA 2026)

Pinagtibay ng mga mambabatas mula sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang kabuuang 36 resolusyon na naglalayong tugunan ang mga pangunahing isyung kinahaharap ng rehiyon.

Kabilang dito ang seguridad, suplay ng pagkain at enerhiya, artificial intelligence (AI), climate change, healthcare, at proteksyon sa mga manggagawa, kababaihan, at kabataan.

Ito ang naging resulta ng ika-47 General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), na nagtapos nitong Biyernes, Nobyembre 20.

Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, pinuno ng delegasyon ng Pilipinas, ipinapakita ng mga resolusyon ang pagkakaisa ng mga ASEAN countries sa pagtugon sa mga problemang nakakaapekto sa halos 700 milyong mamamayan ng rehiyon.

Sa usapin ng seguridad, nanawagan ang Committee on Political Matters ng mas mahigpit na ugnayan ng mga parlyamento upang maiwasan at matugunan ang mga banta sa seguridad na nakakaapekto sa maraming bansa.

Sa ekonomiya, sinuportahan ng AIPA ang mga hakbang para matiyak ang sapat na suplay ng pagkain at enerhiya, mapangalagaan ang kalikasan at maisulong ang ligtas at responsableng paggamit ng AI.

Sinuportahan din ng kapulungan ang panukalang pagtatag ng AIPA Advisory Council on Climate Change na tututok sa mga isyu at hakbang kaugnay ng climate change.

Samantala, kabilang naman sa mga pinagtibay ng Committee on Social Matters ang mga resolusyong nagtataguyod ng universal health coverage, higit na proteksyon sa mga migrant worker, at pagtulong sa mga senior citizen upang aktibong makilahok sa kanilang mga komunidad.

Isinusulong din ang pagtitiyak ng tuluy-tuloy na pag-aaral ng mga estudyante kahit may kalamidad, pagpapalakas ng ugnayan ng mga mamamayan sa ASEAN, at paglaban sa pagkalat ng maling impormasyon.

Ang Women Parliamentarians of AIPA at Young Parliamentarians of AIPA ay naglatag ng mga programa para sa mas maraming oportunidad sa kababaihan, pantay na pagkakataon sa pamumuno, at mas ligtas na internet para sa mga kabataan.

Sa pagtatapos ng pagpupulong, pormal nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore ang pamumuno sa AIPA.

Ang Singapore naman ang magsisilbing host ng ika-48 General Assembly ng AIPA sa 2027. – VC