
Dinala ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang LAB for All program sa Camp John Hay sa Baguio City noong Nobyembre 21, kung saan mahigit 1,500 benepisyaryo ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal, tulong-pinansyal at iba pang ayuda mula sa pamahalaan.
Sa ilalim ng programa, nagkaloob ang mobile caravan ng libreng medical consultation, laboratory tests, gamot, salamin sa mata at iba pang kagamitang medikal.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng First Lady na bagama’t hindi kayang tugunan ng programa ang lahat ng suliranin ng residente, makatutulong ito upang maibsan ang kanilang mga pangangailangan at mapagaan ang kanilang pamumuhay.
“My wish is simple: I hope you go home later, a little more nourished, with a little more hope, and in better health,” ani Unang Ginang.
Nagsagawa rin ang LAB for All ng medical outreach sa mga barangay ng Sto. Tomas, Kias at Dontogan noong Nobyembre 17, kung saan 3,316 residente ang nakatanggap ng libreng laboratory tests, X-ray at mga gamot.
Kabilang sa mga ahensyang lumahok sa programa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na namahagi ng tig-P2,000 sa 1,500 benepisyaryo ng
Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), gayundin ng mga wheelchair at family food packs para sa mga nangangailangan.
Nagkaloob naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng training allowance sa mga iskolar nito at namahagi ng cookies na produkto ng kanilang mga baking scholar.
Namahagi rin ang Department of Agriculture (DA)-Cordillera ng mga punla ng calamansi at kape, mga binhi ng gulay, gatas, yogurt at ice cream.
Samantala, namahagi ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng bigas sa mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) at nagdala ng mga pagkain na ginawa ng mga dating OFW na nakatanggap ng livelihood assistance mula sa ahensya.
Nagkaloob din ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng libreng internet access, e-government services at gift packs, habang namahagi ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga sertipiko sa mga benepisyaryo ng Shared Service Facilities.
Nagbigay rin ang John Hay Management Corp. ng mga tsinelas at food packs sa mga benepisyaryo.
Giit ng First Lady, hindi kailangang maging sobrang garbo ang isang proyekto upang magkaroon ng positibong epekto sa buhay ng mga mamamayan.
Aniya, ang mahalaga ay natitiyak na nagagamit nang maayos ang mga kakayahan ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng publiko.
“Seeing all your smiling faces, reminds me why we do this – to serve the people like you,” saad ng Unang Ginang. – VC











