
Umabot sa 78,410 pabahay na nagkakahalaga ng P127.44 bilyon ang napondohan ng Pag-IBIG Fund mula Enero hanggang Oktubre 2026, kasabay ng pagdami ng mga miyembrong nakikinabang sa mas mababang interest rate sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa Pag-IBIG Fund, mas mataas ito ng 15% sa bilang ng mga napondohang pabahay at 20% sa kabuuang halaga ng mga housing loan kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Chairperson Jose Ramon Aliling na layunin ng programa na matulungan ang mas maraming pamilyang Pilipino na magkaroon ng sariling bahay kabilang ang mga minimum wage earner at low-income household.
Batay sa datos ng ahensya, 15,674 pabahay o katumbas ng P16.20 bilyon ang napondohan sa ilalim ng 3% subsidized interest rate sa loob ng sampung buwan.
Samantala, pinakamaraming pabahay ang napondohan sa ilalim ng 4.5% promotional interest rate, na may kabuuang 31,016 pabahay o katumbas ng P52.91 bilyon.
Saklaw ng naturang interest rate ang mga housing loan na lampas sa itinakdang halaga para sa socialized housing hanggang P4.9 milyon.
Inilunsad ng Pag-IBIG Fund ang 4.5% promotional interest rate noong Hunyo upang higit pang mapababa ang gastos sa pangungutang at mapalawak ang access ng mga miyembro sa abot-kayang pabahay.
Ayon kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, ang pagdami ng mga benepisyaryong nakikinabang sa mas mababang interest rate ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng ahensya na palawakin ang oportunidad ng mga miyembro na magkaroon ng sariling bahay.
Binigyang-diin din ni Acosta na nananatiling matatag ang kakayahan ng Pag-IBIG Fund na magbigay ng pautang dahil sa maayos na pagbabayad ng mga miyembro.
Naitala ng ahensya ang 93.80% performing loan ratio noong Setyembre, na sumasalamin sa malaking bahagi ng mga borrower na patuloy na nakatutupad sa kanilang obligasyon sa pagbabayad.
Sa ilalim ng Expanded 4PH Program, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong homebuyer sa 3% subsidized interest rate para sa socialized housing, gayundin sa promotional interest rates na 4.5% at 5.75% kada taon para sa iba pang kwalipikadong benepisyaryo.
Ang parehong promotional rate ay fixed para sa unang tatlong taon, at tatanggap ng mga aplikasyon hanggang Disyembre 31, 2026. – VC











