IBCTV13
www.ibctv13.com

PhilHealth, nakapagbayad ng P357.2-B medical claims sa unang 10 buwan ng 2026, isa sa pinakamataas sa kasaysayan ng ahensya

42
Views

[post_view_count]

The Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) paid P357.20 billion in medical benefit claims nationwide from January 1 to October 31, 2026, up 42.46% from ₱250.73 billion during the same period in 2025. (File photo of PNA)

Umabot sa P357.2 bilyon ang kabuuang medical claims na nabayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa unang 10 buwan ng taong 2026, mas mataas ng 42.46% kumpara sa naitalang bilang sa kaparehong panahon noong 2025.

Sa panayam sa “Boses” ng Radyo Pilipinas ngayong Miyerkules, Nobyembre 25, sinabi ni PhilHealth Acting Senior Manager Christine Mae Magno na naiproseso at nabayaran ng ahensya ang medical claims sa loob lamang ng 17 araw.

“Hindi lang malaking bayad ang naipasa sa ating mga partner healthcare facilities, napatunayan din na kayang i-sustain yung mabilis na pagbabayad,” ani Magno.

Kabilang sa mga saklaw na serbisyo ng nasabing medical claims ang PhilHealth YAKAP at Outpatient & Primary Care Services, gayundin ang iba pang benepisyong pangkalusugan na ipinagkakaloob ng ahensya.

Iniugnay naman ng PhilHealth ang pagtaas ng medical claims sa pagpapalawak ng mga benepisyong maaaring magamit ng mga miyembro, kabilang ang maternity care at gamutan para sa leptospirosis.

Giit ni Magno, mahalaga ang mabilis na pagbabayad ng PhilHealth upang matulungan ang mga ospital at iba pang pasilidad na maipagpatuloy ang kanilang serbisyo at hindi maantala ang gamutan ng mga pasyente.

Sa pamamagitan din nito, mas nahihikayat ang mga pampubliko at pribadong ospital na patuloy na tumanggap at magbigay ng serbisyong medikal sa mga miyembro ng PhilHealth.

“Tinutugunan ng PhilHealth ang [pagbibigay] ng magandang mga benepisyo para mabigyan din ng confidence ang ating mga partner healthcare facilities na maging mas handa sa pagbibigay ng mga benepisyo at tuloy-tuloy na gamutan sa ating mga miyembro,” saad ni Magno.

Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng PhilHealth ang pagpapalawak ng iba pang benepisyo nito upang mas marami pang pangangailangang medikal ng mga miyembro ang matugunan. – IP