
Mas ligtas at komportableng paglalakbay para sa mga Pilipino ang isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtatalaga ng mga bagong pinuno sa tatlong pangunahing ahensya ng transportasyon sa bansa.
Sa press briefing nitong Martes, Nobyembre 24, inanunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro ang pagkakatalaga ni Pangulong Marcos Jr. kay dating Land Transportation Office (LTO) Asst. Secretary Markus Lacanilao bilang bagong administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Ayon kay Castro, kinilala ng Pangulo ang naging mahusay na pamumuno at pagganap ni Lacanilao sa LTO, partikular ang pagsusulong nito ng maayos na serbisyo at kampanya laban sa korapsyon.
“Ang nais po ng Pangulo, comfortable sea travel and goods moving faster. So since sa LTO po si dating Asec. Markus Lacanilao at nakapag-deliver ng magandang trabaho, magandang mensahe laban sa korapsyon, mas malaking misyon ang iniatang sa kanya ng Pangulo,” ani Castro.
Binigyang-diin naman ng opisyal ang mahalagang papel ng MARINA sa pangangasiwa at regulasyon ng maritime industry, na kinabibilangan ng humigit-kumulang 24,000 rehistradong barko at nagsisilbi sa tinatayang 82 milyong pasahero kada taon.
Bukod kay Lacanilao, itinalaga rin si Noreen Bernadette San Luis-Lutey bilang bagong pinuno ng LTO, habang si Jorjette Aquino naman ang mamumuno bilang bagong general manager ng Philippine National Railways (PNR).
Ayon kay Castro, inaasahang mapapalakas ng mga bagong lider ang operasyon ng kani-kanilang ahensya, mapapatibay ang pananagutan sa serbisyo-publiko, at pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng mga komyuter at negosyong umaasa sa pampublikong transportasyon.
Bahagi ang mga bagong appointment sa layunin ng administrasyong Marcos Jr. na magkaroon ng mas episyente, ligtas, at maaasahang sistema ng transportasyon sa bansa, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong holiday season.
Iniuugnay rin ang hakbang sa ASEAN Economic Community Strategic Plan 2026–2030, na naglalayong palakasin ang koneksyon ng mga sistemang panlupa at pandagat na transportasyon sa rehiyon, gayundin ang kalakalan, digital transformation, at mobility bilang bahagi ng pagsusulong ng ASEAN Vision 2045. – VC











