
Matagumpay na nakuha ng Pilipinas ang tinatayang $3.4 bilyong investment pledges mula sa Japanese companies matapos ang high-level business roundtable meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tokyo, Japan nitong Miyerkules, Mayo 27.
Inaasahang magdudulot ang combined capital inflows ng malaking benepisyong pang-ekonomiya, kabilang ang pagpapalawak ng kapasidad ng mga lokal na industriya at paglikha ng libu-libong de-kalidad at specialized na trabaho para sa mga Pilipino.
Sa pulong, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng mas matatag na economic partnership sa gitna ng mga pandaigdigang hamon tulad ng supply chain disruptions at volatility sa energy market.
Pinasalamatan naman ng lider ang mga Japanese company na matagal nang namumuhunan sa Pilipinas, kabilang ang All Nippon Airways, Toyota, Mitsubishi Corporation, Marubeni, Panasonic, at Fast Retailing, dahil sa ambag ng mga ito sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng industriya sa bansa.
Ibinahagi rin ng Pangulo na isinusulong ng Pilipinas ang isang pambansang estratehiya upang pagtugmain ang infrastructure development, industrial growth, finance, human capital, at connectivity bilang suporta sa pangmatagalang pagpapalawak ng ekonomiya, kung saan itinuturing ang trade at tourism bilang pangunahing susi sa paglago ng ekonomiya.
Kaugnay nito, ipinrisenta ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Maria Cristina Roque ang investment strategy ng pamahalaan, kabilang ang mga oportunidad sa high-technology manufacturing at green investments upang mapalakas ang regional supply chains.
Tiniyak ni Roque na bukas, handa, at may sapat na kakayahan ang Pilipinas upang suportahan ang mabilis na pagpapalawak at katatagan ng Japanese global value chains.
Iginiit din ni Department of Tourism (DOT) Secretary Dita-Angara-Mathay ang patuloy na paglago ng travel at hospitality sectors ng bansa, at sinabing ang turismo ay isa sa pinakamalaking nagtutulak ng infrastructure at commercial investments.
Kasunod nito, tiniyak ng Pangulo sa mga Japanese investor na magpapatuloy ang mga reporma ng pamahalaan upang mapabuti ang institutional efficiency at matiyak ang pangmatagalang katatagan ng mga pamumuhunan sa bansa.
Bahagi ang business roundtable sa apat na araw na state visit ni Pangulong Marcos Jr. sa Japan na layong palalimin ang ugnayang pang-ekonomiya, pampulitika, at pang-depensa ng Pilipinas at Japan. – IP











