IBCTV13
www.ibctv13.com

30,522 pamilya, apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon – OCD

Kristel Isidro
95
Views

[post_view_count]

Aerial view of central Guinobatan, Albay following the ashfall event due to Mayon eruption last Saturday, May 2. (Photo courtesy of Mayor Ann Gemma Ongjoco)

Umabot na sa 30,522 pamilya o 102,406 indibidwal ang apektado ng nagpapatuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region V.

Sa naturang bilang, 1,438 pamilya o 5,440 katao ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center, habang 26 na pamilya o 85 katao ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation center.

Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang may umiiral na mataas na antas ng panganib sa mga kalapit na komunidad.

Bilang implementing arm ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, tiniyak ng OCD ang patuloy na whole-of-government response sa sitwasyon.

Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, agad na ipinatupad ang maagang evacuation protocols para mailikas ang mga residenteng nasa loob ng 6-kilometrong radius Permanent Danger Zone (PDZ).

Patuloy din ang koordinasyon, monitoring, at response operations sa mga apektadong lugar upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente.

Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ang deployment ng water trucks, rollout ng water filtration systems, pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng N95 masks at malong, at clearing operations upang manatiling bukas at madaraanan ang mga kalsada.

Tiniyak ng OCD sa publiko na mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon at nananatiling handa ang mga ahensya sakaling magkaroon ng pagbabago sa kondisyon ng bulkan.

Hinimok naman ang publiko na sumunod sa mga awtoridad at manatiling alerto habang mahigpit na binabantayan ang sitwasyon. VC